1.25.2008

Ang Kahapon ay Tuldukan, Ang Ngayon ay Ngitian

Sa mga Filipinong mahilig makipagsapalaran
Nawa ang bawat isa, taong 2008 ay pagnilayan
Dahil may hatid ito sa atin na katanungan
Na nararapat lamang na masagot ng may kalaliman

Noon ang Korea ay inaakalang bansang tugon sa pangangailangan
Ngunit bakit kaya ngayon tila wala pang naipundar na kayamanan?
Dahil ba sa abala sa pakikipagsosyalan at ibang libangan
O baka naman may natagpuan na kopol-kopolan

Tunay ngang ang paglalakbay sa ibang bayan
May kaakibat na tukso at balakid paminsan-minsan
Datapwat kung susuriing mabuti tayo ang may kasagutan
Na di dapat idahilan na tayo'y mahina at marupok kaibigan।

Sana Kasabay sa pagtuntong ng alas dose ng orasan
Kung nanalangin tayo kasama ang buong Sambayanan.
Ang puwersa na bumabalot sa kadiliman
Marahil tuluyang maglalaho at matutuldukan।
Mag-ingat Nawa sa Tuwina

Dati-rati akala ko napakalungkot sa Korea.
Subalit sa palagian kong pagsisimba
Tila ang lumbay ay napawi at nawala
Dahil sa tulong ng Dakilang Lumikha.

Ngunit may mga panahong sinusubok ng tadhana
Ang higpit ng kapit sa panananampalataya.
May araw na si Taning laging nag-aanyaya
Na lalakipan ng ngiti at animo’y tuwang-tuwa.

“Ating desisyon kadalasang destinasyon” sabi nila
Nakakapanghinayang kung sa kadiliman tayo papunta.
Nakakalungkot kung masusunog naman ang kaluluwa.
Ngunit sa kinabukasan tayo lamang tunay na magpapasya.

Kaibigan huwag naman sana tayong padadala
Sa tukso ng mga matatamis na dila
Na maghahatid sa atin tungo sa landas ng pagkakasala
Dahil ang kalaban laging nakaantabay at nag-aanyaya.

8.22.2007


I LOVE YOU ! TUNAY NA KATAGA

Mahal nawa sa pagsikat ng araw sa umaga
Nais kong ibulong itong tatlong salita
Kailanman di sana maiwawaglit sa iyong gunita
Dahil "I LOVE YOU" ang tunay na kataga.

Salamat sa pagdating mo nang ako’y nangungulila
Dahil tuliro ang pag-iisip ko noon at balisa,
Tila sa paglutas ng mga suliranin walang magawa,
Datapwat nagagalak ako sa pagdating mong nakakabigla.

Kaya naman magmula nang ika’y makilala
Parang ang mundo ko’y nagbago at sumigla
Ang matamlay kong pakiramdam ngayo’y kaaya-aya,
Maging sa pagtratrabaho halos lahat aking inuunawa.

At sa paglubog ng araw,isang pasasalamat kay Dakilang Ama
Sa pagtugon Niya sa kahilingan na kakaiba
Sa walang kapantay at di mahihigitang pang-unawa
Pati na rin sa mga bagay at walang humpay na biyaya.