
MAYROON PA BANG HIMALA ?
Minsan sumigaw si Nora Aunor sa kanyang pelikula na “Walang himala nasa puso ang tunay na himala!” na naging dahilan upang tanghalin siyang best actress.
Sa makabagong panahon marami na ang ayaw maniwala sa salitang Himala.Sabi nga nila na ang mundo ay puno na ng pagkukunwari at kabuktutan,halos di na batid kung ano ang kaibahan ng tama’t mali? Paano maghihimala na sa kasalukuyan pati imahen ng santo’t santa ay ginagamit sa pagnenegosyo? Kadalasan mga negosyante malimit nilang ginagamit ang mga taludtod ng isang kabanata sa bibliya upang makahikayat ng mga kostumer.Kaya nga kapag nakakaloko na ay agad hahalakhak na iyan ang himala.
Totoo bang mayroong himala? Ito ba ay plinano kung kanino ipagkakaloob? Mayroon bang talaan ang Panginoon kung sinong nararapat na kandidato upang makatamasa ng pagpapala ng Diyos Amang Lumikha?
Bigyang pansin natin ang ating patron na si San Lorenzo Ruiz,hindi ba’t bago sila nagpunta ng bansang hapon ay may mga kasama siyang mga Dominikanong pari na madasalin at malalim ang pananalig. Subalit napakalaking himala naman dahil napagkalooban siya ng bansag na Dakilang Santong Martir na kung iisipin ay di naman talaga siya misyonero.
Tunay nga bang maraming di inaasahang kandidato sa pagkapropeta at santo? Kahit si Abraham na walang tagapagmana’y nagkaroon ng lahing naging sindami ng bituin sa langit at buhangin sa dagat? Maging si Moises na isang takas at utal-utal ay naatasang magpalaya sa mga hudyo mula sa pagkakaalipin sa bansang Ehipto. Ganun din ang dating pangulong Corazon Aquino na kung tutuusin ay walang karanasan sa pulitika ay naging matatag na pinuno sa isang mapayapang Edsa Revolution.
Sa ganang akin alam kong batid ng lahat ang kasaysayan ng iba pang mga tinitingala nating tauhan sa bibliya. Kahit nga dito sa Korea makailang ulit ng nagpalabas ng kautusan ang gobyerno na dapat paalisin na ang mga dayuhang manggagawa sa itinakdang panahon. Datapwat dahil sa taimtim na panalangin at pananalig nagkaroon ng kaganapan ang ating mga kahilingan na hipuin ng Panginoon ang puso ng mga Koreano.
Kung nagawa nating mapaghimala noon bakit di natin gawin ngayon sa halip na panic at mga pangamba ang laging mamayani sa bawat oras.
Naniniwala ako na kung ang lahat ng mga illegal na migranteng Filipinong manggagawa ditto sa Korea ay magkakaisang mananalangin sa isang itatakdang araw bago dumating ang kinakatakutang crackdown. Tiyak kong maiibsan ang kanilang takot at pagkabalisa kapag ito’y kanilang nagawa.
Katulad ni San Lorenzo Ruiz na dahil sa kanyang malalim na pananalig at pananalampataya na naging tulay upang ganap na siya’y biyayaan ng Panginoon.


