4.22.2004

ANG AKLAT NG KARUNUNGAN

Karamihan sa atin kapag may mga inaabangang mga kuwento o balita hinggil sa buhay ng mga tanyag na artista tila napakabilis nating magtatakbo sa Internet Cafe kundi naman kapag may mga bagong labas na pahayagan galing sa Pilipinas gaya ng Abante Tonite, Gossip at iba pang mga kilalang pahayagan na nag-uulat sa mga taong nabanggit at kahit sabihing napakamahal ng bagay na ito, parang napakabilis sunggaban. Marahil kung may pagsusulit na gagawin ang Sambayanan tungkol sa mga sikat na artista, tiyak ang mga taong laging nakaantabay sa mga chicka ay makakakuha ng perfect score.
Likas sa ating ugaling Filipino ang nakahiligang sumubaybay sa mga paboritong artista kundi naman kapag may mga teleserye, dapat maaga pa lang kina cancell na ang appointments. Kaya naman napasok na ang ating bansa ng mga dayuhang teleserye gaya ng Meteor Garden ng Taiwan at Endless Love ng Korea.
Datapwat kung pinag-uusapan naman ang isang tao na puno ng suliranin sa buhay at parang sa tingin natin ay wala ng pag-asang magbago napakabilis nating ibulong ito sa mga kakilala na humahantong sa isang chismis at sa halip na nagsususmikap na bumangon muli ang taong nagkamali ngunit sa ginawang pagkokondena tuluyan na lang itong nalulugmok. Mahirap ipaliwanag at bigyang tugon subalit ito ang katotohanan at napapanahon na dapat lamang pagnilayan ng bawat isa.
Sinubukan na ba nating itanong at ibulong sa hangin kung bakit ganito ang ating nakaugalian? Iiwan ko sa inyo ang panahon upang ganap na masagot ang magulong katanungan.
Ilang tao ba ang gumawa ng ating Bibliya? Sinu-sino naman kaya ang mga tauhang napapaloob sa banal na aklat na ito. Bakit mayroong "Lumang Tipan at Bagong Tipan" ? Nagawa na ba nating alamin kung bakit ang mga apostol na naglahad sa mga tunay na nangyayari sa Bagong Tipan ay katulad din nating makasalanan. Hindi man lang ba naging palaisipan sa bawat isa kung tunay ang mga pangyayari at di kathang-isip ng mga nagpatunay. Ilan ba sa atin ang may Bibliyang iniingatan at laging binabasa sa araw-araw?
Tayong mga nilikha ng Diyos sa kasalukuyang panahon ay may sari-sariling pinagkakaabalahang basahin, sa halip na gamitin sa pagninilay ang bawat pahina ng Bibliya, tila abala tayo sa pagbabasa ng makamundong kuwento na hinango sa isang walang tunay na basehan. Kaya nga lalong nalulugmok ang ating bansa tungo sa isang tuluyang pagkakadapa dahil tayo na rin ang kusang gumagawa ng desisyon sa pagsuporta sa mga taong di karapat-dapat kahit batid nating di dapat ito suportahan, gaya ng mga pinunong nanunungkulan sa pamahalaan at napakaraming inanakan na batid nating kasabwat ito sa mga anomalya.
Nakapanghihinayang at nakakalungkot dahil ang aklat na puno ng karunungan na maaring magamit sa ating pakikipagsapalaran ay tila di na binibigyang pansin, Ang tunay na naglalaman ng kaligtasan ay hinahayaan na lamang ipisin kaya nga minsan nasasabi ng iba na mabuti pa ang ipis tiyak na sa langit ang tungo kung sakaling mamamatay ng maaga. Ang banal na aklat na ito ay maituturing na pinakamahalagang babasahin mula noon hanggang sa kasalukuyan, hindi ito nagmula sa Philosophical Theories o isang alamat.
Bagamat hindi pa naman huli ang lahat, maari nating simulan ang pagpapahalaga nito sa pamamagitan ng pagbabasa at pagkakakaroon ng Bible sharing. Isabuhay, ipahayag at ipamalita kung anong mga natutunan upang magamit sa kabutihan. Dahil ang tunay na taga desinyo at Enhinyero ng ating buhay ay napapaloob sa Bibliya.


KUNG SAKALING MAGIGISING KA SINTA


Mula noon at hanggang ngayon aking sinta
Tila ikaw pa rin ang laman ng isipan sa tuwina
Subalit may katanungang puno ng pag-aalala
Na laging bumabagabag sa tuwing hihiga sa kama.

Mahal kung iyong naaalala't nagugunita
Hiniling kita sa ating Dakilang Ama.
Datapwat kapalaran ay mapaglaro talaga
Kaya naman bigla akong napaupo sa ating silya.

Noong ika'y nagpaalam papuntang Korea
Di maipaliwanag damdaming tila kakaiba
Dahil ayaw bumagsak nitong aking luha
Kaya sabi ko'y " paglalaruan tayo ng tadhana."

Nagbago ang ating kapaligira't klima
Si Jr. na ang mukha'y laging masaya
Bigla na lamang umiiyak dahil hinahanap ka
Kaya sagot ko'y paparating na iyong Ama.

Ano nga ba ang tunay na dahila't balita?
Totoo bang mayroon kang ibang kinakasama?
Katabi sa gabing malungkot kapag nag-iisa
At siya ang tugon kung bakit ka naging iba.

Kung magigising sa ginagawang di kaaya-aya
Nawa huwag mag-atubiling bumalik sa iyong pamilya
Kami na itinuturing na kaagapay sa darating na umaga
Laging naghihintay at handang daramay pa.