1.24.2005


Magising Tayo sa Katotohanan

Tila kaytagal dumating ng umagang inaantabayanan
Kahit batid ko ang magiging kahihinatnan
Pilit pa ring iniisip na maaaring maayos ang kalagayan
Kaya sambit sa sarili nawa'y ako'y Kanyang magabayan.

Bulong noon na magsanib man ang lupa't kalangitan
Hindi ko magagawang ibigay ang kapatawaran
Dahil sa nilikhang pilat na di makakalimutan
Itinanim ko ito sa puso hanggang kalalim-laliman.

Subukan nating balika't hagkan ang nakaraan
Kalakip magagandang pinagsamaha't pinagsaluhan
At buong akala natin na ito'y walang katapusan
Na naging dahilan upang patawan tayo ng kaparusahan.

Di ba't ikaw ang unang gumawa ng kasinungalingan?
Kahit batid mong labag ito sa ating kasunduan
Ipinagpatuloy pa rin ginagawang pagtatakip sa kamalian
Kaya nausal ko agad na ako'y iyong pakawalan.

Kalasin mo ang taling nag-uugnay sa ating kasalanan.
Pakiabot ng awa't katahimikan sa aking puso't isipan
Kung puwede nga lamang lumayo ka sa aking harapan
Dahil pagsasama sa iisang bubong puno ng kahungkagan.

Patawarin nawa ako kung hihingii'y kapayapaan
Ayaw ko ng matulog na konsensiya'y sinusumbatan.
Ang pamilya mo sa Pinas na iyong nilisa't iniwanan
Kumakatok na sila'y laging umaasang iyong babalikan.