"MAITANIM NAWA ITO SA ATING ISIPAN"
Isa sa pinakamagandang bagay na napapaloob sa atin bilang ordinaryong nilalang ay ang pagiging matulungin sa kapwa. Laging handang tumugon kung mayroong kababayan nating nangangailangan ng gabay at pag-akay sa tamang daan. Likas na talaga sa atin ito at di na kailangan pang pagtalunan.
Ngayong araw na ito ay gaganapin ang isang pinakamahalagang pagtitipon ng taon at ito ang General Assembly ng mga volunteers. Dito hindi natin maaring tanungin kung lagi bang nakakadalo sa lingguhang gawain ang bawat isa subalit sa halip ay maari nating tanungin at katukin ang ating puso kung umuunlad ba tayo sa ating ipinaglalabang pananampalataya at lalo ba tayong tumatatag sa pagsunod at pagtalima sa ipinag-uutos na hango sa mga doktrina at aral ng simbahan.
Ang paglilingkod sa simbahan ay isang hamon kung paano natin higit na pinauunlad at isinasabuhay ang pagmamahal sa kapwa ng walang hinihintay na kapalit. Sabi nga nila noon may tatlong 'T's na dapat isipin sa paglilingkod , kasama dito ang "Talent, Time at Treasure"
Datapwat habang tumatagal kapag bukal sa loob ang paglilingkod mayroong tayong di dapat makaligtaan at ito ang pagiging totoo sa sarili "Truthfulness". Kung pagbubulayan natin ang nabanggit na kataga nararapat lamang marahil na mauna ito dahil ang paglilingkod ay di sapilitan , dapat walang pag-aalinlangan at walang elementong sagabal.Naniniwala ako na kung mauuna ang katagang Truthfulness agad susunod at madaling mailalabas agad ang Talent, Time at Treasure.
Ang Diyos na ating pinaglilingkuran ay katulad ng panday na gumagawa ng mga espada , upang maging kapakipakinabang at maasahang sandata tayo, kinakailangang lagi tayong idinadarang sa init , ibig sabihin nito na ang mga sagabal at hilahil na ating nadadaanan ay mga pagsubok upang maging maayos tayong tagasunod Niya. Subalit siya lamang ang tanging nakababatid kung gaano kabigat ang krus na kanyang ipinapasan sa atin.
Ang pagiging volunteer sa simbahan sa Korea ay minsan lamang dumaraan subalit nawa makapag-iwan tayo ng ala-ala sa ating kapwa migrante na sa pag-usad ng panahon ang buhay nati'y naging kapakipakinabang sa Sambayanan, ngunit kung ang volunteer ay dinaanan ng pagsubok sana tayong mga nagmamasid ay ang mga
taong dapat na maunang umunawa sa halip na tayo mismo ang magkokondena sa kanila.
Marami rin ang nagsasabi na ang bawat isa ay may kanya-kanyang pamamamaran sa paglilingkod sa Diyos Ama . Hindi nga sila naglilingkod sa simbahan subalit ang pagiging matulungin ay di naman nakakaligtaan. Kung ang isang ordinaryong nilalang ay nagpakita lamang ng pangkaraniawang talent upang mapasaya ang kanyang kapwa sa panahon ng pag fund raising , marahil sapat na ito sa paningin ng Diyos dahil kahit kelan walang timbangan ang Diyos upang sabihin niyang mas mauuna sa langit ang mga may pinakamalaking nagawa sa simbahan.
Tayong mga volunteers dapat nating isipin walang tunay na kandidato upang maging ganap na santo ang isang karaniwang tao. at kahit kelan ang pagtahak patungo sa Kalangitan ay isang pakikipagsapalaran na laging kaagapay ang Diyos.