11.02.2006

myspace layouts, myspace codes, glitter graphics







ANG HUDYAT AY NAGSIMULA NA NAMAN



Kadalasan kapag may mga panganib na dumarating sa ibat ibang building may alarmang naghuhudyat upang maging aktibo ang mga taong nakapaligid para magmasid kung sino ang taong pumasok o nanloob. At kapag may hudyat tayong naririnig ang pagkabalisa’y di maaring iwaksi .

Noong unang panahon may sariling pamamaraan ang Diyos upang iparamdam sa ating mga ninuno na sa bawat kasalanang kanilang ginagawa mayroong kaparusahang nakalaan. Sino ba ang maaring lumimot sa kuwento ng Noah’s Ark, Sodom at Gomorah at marami pang iba ? Subalit bago nangyari iyon ay may hudyat munang dumaan.

Tunay ngang ang kasalukuyan ay karugtong ng nakaraan at sinasabing “history repeats itself”.Kung ating napapansin naparaming tao na ang nagpapakalunoy sa kasalanan.Nandiyan ang kopol-kopolan na mula noon hangang ngayon ay sakit ng ulo ng Sambayanan at lipunan, ang napakaraming Filipino sa Korea na sa isang pitik lamang ng daliri ay maaring maglaro ng ilang babae. Ang bantog na pasugalan sa Myonmokdong na kahit batid nilang nakakasira sa imahe ng mga Filipino ay patuloy pa ring nakakahikayat ng mga taong nagbibingi-bingihan at nagbubulag-bulagan na sa halip na gamitin ang pera sa kani-kanilang pamilya ay nagagastos sa di naman kapaki-pakinabang na paraan. Tsk ! Tsk !Tsk! Sayang naman ang mga mag-anak nilang magugutom at dilat ang mga mata sa kahihintay sa remittance na ipinangakong ipapadala.

Nitong nagdaang Miyerkules ay nagsimula na sa pagdiriwang ng “Ash Wednesday”. Isang hudyat na dapat nating bigyang pansin dahil ang makabagong panahon ay puno ng kasalanan. Napakaraming tao na ang naliligaw ng landas dahil sinusunod nila ang kanilang kagustuhan na naghahatid tungo sa madilim at mainit na apoy ng Impyerno.

Minsan nga may isang bulag at isang normal na taong naglilingkod sa simbahan ang nag-uusap at nagtanong ang huli na kung kasalanan ba ang pangangalunya. Si bulag naman na walang kaalam-alam dahil laging nasa labas ng simbahan na nagpapalimos ay nagtanong din sa normal na tao at walang kagatul-gatol na binanggit at inisa-isa ang 10 commandments. Sa pagkakarinig ay dagling sinagot ng bulag ang nagtanong “Bakit kayong normal na nilalang walang takot gawing tama ang mali at kapag nasusukol pinipilit lumusot? Amang, mata lamang ang di nakakakita sa akin subalit may utak akong marunong umunawa, nawa huwag ninyong linlangin ang Panginoon sa pamamagitan ng pagpapakitang tao na paglilingkod. Ang tunay na paglilingkod sa Diyos ay pagtalikod sa kasalanang ginagawa”.

Ano nga ba ang tunay na ipakahulugan ng abo sa ating buhay.Ano naman ang ibig sabihin ng “Ashes to ashes , Dust to dust” Bakit may linya sa awitin na “Nagmula ka sa lupa magbabalik ng kusa”? Marahil ang mga pangungusap na ito ang ating gawing halimbawa na dapat magsimula na tayo sa pagbabago dahil ang panahon ng pag-aayuno ay muli namang humudyat at may nais ipahiwatig sa bawat isa.

Marami namang dapat gawin upang ganap nating maisakatuparan ang tunay na pakikisa sa pag-aayuno. Pananalangin , Fasting sa iba’t ibang bagay hindi lamang sa pagkain kundi pati na rin sa tawag ng lamang o makamundong bagay, Paglilimos, Pagbisita sa mga kababayan nating maysakit at paggamit ng ating mga talento para sa ikabubuti ng ating kapwa.

Ikaw kabayan , mahal mo nga ba si Hesus, nawa huwag mo ng dagdagan pa ang hirap na dinaranas ng ating Panginoon ngayong panahon ng Kuwaresma?

ANG PILAT NG NAKARAAN

SIMBOLO NG ISANG KASAYSAYAN



“Scars are areas of fibrous tissue that replace normal skin after destruction of some of the dermis. A scar results from the biologic process of wound repair in the skin and other tissues of the body. Thus, scarring is a natural part of the healing process. With the exception of very minor lesions, every wound (e.g. after accident, disease, or surgery) results in some degree of scarring.”


Kadalasan kapag may pilat or peklat ang balat natin tila di tayo napapakali dahil tila nagdudulot ito ng kapangitan sa ating mukha o katawan. Minsan nga tila sari-saring pantapal o pamahid ang inilalagay upang mapakinis lamang .Subalit ayon sa pag-aaral sa Agham madali natin itong mapapawi kung maayos lang ang ating pag-aalagang ginagawa .

Ang nakaraan ay may pilat o sugat na iiwanan sa ating buhay, Kahit nga ang Panginoong Hesus dumanas din ng mga sugat upang maipakita sa atin na ang buhay ay di napakadaling lakbayin. Sa bawat hakbang na ating gagawin may panahong natitisod tayo at meron din namang nadadapa at nasusugatan na kadalasan ay nag-iiwan ng aral upang di na muling maulit ang nakaraan.

Isa sa maituturing na natatangi at di malilimutang pag-uusap ay naganap nitong nagdaang Agosto 27, 2006 Sa Hyewhadong Filipino Catholic Center . Ang pinag-uusapang gulo na nangyari na di naman sinasadya ay muling nahilom nang mapagkasundaun ng dalawang grupo ang pag-abot ng “Tunay na Kapatawaran” sa mga taong nasugatan at ang pag-abot ng pagsang-ayon na di na muling magaganap pa ang kaguluhan.

Nakakagalak isipin na sa kabila ng ating pagiging malayo sa ating bayang sinilangan ay patuloy pa rin nating pinapahalagahan ang ugaling Pinoy na kung saan laging pinapamayani ang kadalisayan, kabutihan at kababaang-loob, pagdadamaya’t pagtutulungan upang muling manumbalik ang sigla’t diwa ng dating pagsasamahan.

Sa ipinakitang gesture ng mga Pilipinong dumalo sa pag-uusap ay naniniwala akong ang mga taong iyon ay kinatok at binulungan ng Dakilang Ama na muling ipakita ang pagiging tunay at ganap na Kristiyano. Mga taong may katangiang walang limitasyon at walang katanungan kung paano ganap na maisasabuhay ang ugali ni Hesus.

Napakagandang pagnilayan ng bawat Filipinong naririto sa Korea na lagi nating pairalin ang ginintuang aral ng Diyos. Patuloy nating isabuhay ang mga natutunan noong tayong nag-aaral pa lamang at lagi nating isaisip na sa konting kabutihang bagay na ginagawa ay may malaking dulot na pagpapala.

Kumakatok din ako sa mga bagong manggagawa na naririto ngayon sa Korea na kung saan ay laging pinag-uusapan ang bisyong dala-dala mula ng lisanin nila ang Pilipinas gaya ng ; Alak, Sugal , Pambabae at Pagkagumon sa mga bawal na gamot. Huwag nawang masira ang imahe ng mga Filipinong nauna rito na nagpakita at nagpakihirap upang maipagpugayan ang ating dangal at katangian sa paningin ng mga banyaga.

Ang pilat ay sumasagisag ng kapangitan dahil natatabunan nito ang orihinal na balat. Datapwat ito ay isang simbolo din ng isang istorya. Isang kasaysayan ng nakaraan na kung susubukan nating pagbubulayan ay may magandang aral na dulot dahil dito tayo natututo at nagiging isang ganap at matatag na nilalang na sa pagdating ng hinaharap ay makakaya na nating tumayo ng maayos at di basta-basta na lamang natatapilok , natutumba at muling masusugatan.



“ K O R E A “
[ Isang Kaganapan ng mga Pangarap o Simula ng Isang Bangungot ]


Minsan humiling ako sa Diyos na alisin niya mga maling nakasanayan
Kaya naman tugon niya’y isuko natin ito at pagnilayan.

Muli akong bumulong at sinabing pagkalooban ng kaligayahan
At siya’y sumagot na mga biyaya lang maibibigay.
Subalit ang kaligayahan ay nasa ating kamay
kung paano ito matutuklasan.

Dahil sa kakulitan
Agad kong sinabing pawiin nalang paghihirap at kalungkutan
Kaya naman tugon niya, na bahagi ito ng tinatahak na daan.
Patungo sa kanyang kaharian.

Muli kong hiniling na nawa’y palaguin niya ang ispiritu’t katawan
At walang kagatul-gatol na binigkas na ako ang may wastong kaalaman.
At siya ang bahala kung paano ito magkakaroon ng katupara’t kaganapan



Kasabay sa pagpinid ng pintuan ng eroplano ay mga hinagpis at lungkot ang namamayani sa mga pamilya nating nilisan sa Pinas. Nag-iwan ng mga pangakong sila’y muling babalikan at itataguyod ang kinabukasan. Ito ang kadalasang senaryong ating nasasaksihan kapag umaalis ang isang migrante patungong ibayong dagat.

Isang buwan hanggang limang buwan tila ang homesickness ay di pa naiwawaksi kaya naman minabuting mamasyal at dinala ang mga paa patungo sa simbahan. Napakagandang tanawin ang makikita dahil parang Pinas din ang kapaligiran. Ito ang karaniwang bukambibig ng mga Filipinong nakakapunta sa Hyewhadong o kundi naman sa iba’t ibang simbahan na nandito sa Korea. “Tila kaysarap damhin ang pagiging Pinoy”.

Ordinaryong tagpo na ang minsang pagkagulat kapag nakakakita ng mga kakilala sa Pinas na nandito rin sa Korea na nagtratrabaho. Minsan mga dating kasamahan sa ibang bansa o di kaya’y galing ng Taiwan nasasalubong sa labas ng simbahan. Ang kalungkutan ay agad napapawing bigla dahil may classmate na naman sila sa inuman , bar hopping at panlilinlang sa chatroom o kundi naman ay may tulay na para ipakilala ang mga kasamahang babae sa pinagtratrabahuan. Kaya naman magiging kasabwat din ito sa panlilinlang sa kapwa. Sa madaling salita balik na naman sa dating nakagawian.

Sa chatroom kahit may mga asawa na sa Pinas at Kopol dito sa Korea ay walang takot na pinapupunta ang mga nasa ibang bansa gaya ng Hongkong at Taiwan at kahit batid ng mga babaeng may asawa ang kanilang kausap sa chatroom ay tila tukong kumakapit at nagsasabing pupunta dito sa Korea para lamang si future soulmate ay makasama.. Dahil sa ang unang pagkakasala ay di nabuking agad itong sinundan ng pangalawa hanggang umabot sa pangatlong pagkakasala. Ito ang isang bagay na lagi nating itanong sa isipan na kagustuhan na ba talaga ito ng Diyos dahil kadalasang panangga natin ay kahit nga si Kristo ay tatlong beses na nadapa. Ito ba talaga ang ibig ipakahulugan ng pangungusap na iyon?

Sa matuling paglipas ng panahon ang mga ipinangakong pagpapadala ng pera ay nalulustay ng dahan-dahan sa mga makamundong bagay. Ang sustento sa mga supling at asawa ay lumiit dahil nadagdagan ng panibagong pamilya dito sa Korea, o di kaya’y tuluyan ng kinalimutan ang mga responsibilidad na sinumpaan sa Diyos. Ito ang mga nakakatakot at nakakapangilabot na karanasan kapag tuluyang niyayakap ang Kasalanan.

Sa Lalaking Pinoy ang sukatan ng pagiging macho ay paramihan ng kalaguyo, abnormal ka raw kapag faithful ka sa iyong asawa , ok lang at tinatanggap sa lipunan kapag marami kang asawa. At kung makikipagtalo tayo sa artikulong ito ay maari nating sagutin na bakit sa simbahan hinahayaan nating makapasok ang mga may kopol-kopol at kahit sa ibang sekta ganito rin ang tanawin. At sabi nga ng mga matatalinong tao na kahit bulag pa ang mag-aanalisa ng 10 commandments ay napakalaking bawal ang pangangalunya. Huwag nating baguhin ang mga nakasulat sa Bibliya. “ Books may be burned but the Truth will remain”. Ito ang ating panghawakan habang tayo’y nabubuhay.

Subalit kung tayong mga kaibigan na nagbibigay ng payo sa mga taong nalulumbay ay iba ang pananaw sa mga nababasa natin sa Bibliya. Marahil panahon na para pagnilayan natin na tayo ba ay nagiging tulay ng kabutihan o nagiging instrumento ng Kasamaan?

Dati ang bansang Korea na nadatnan ko 15 years ago ay masasabi kong isang kaganapan ng aking mga pangarap datapwat kung ang iba ay pumapanig sa maling turo ng Diyos marahil tama bang sabihin na panimula na ito ng ating bangungot.

Lagi nating tandaan kahit sabihin nating napakabuti ng Diyos ay nagawa nitong ipagtabuyan ang ating kauna-unahang magulang na si Eva’t Adan mula sa Paraiso. Nagawa rin niyang gunawin ang Sodom at Gomorah, at higit sa lahat ang kanyang nilikha noong unang panahon ay nakaranas ng Delubyo. Dahil sa KASALANAN.




Kalungkutan Maaring Maghatid Sa Atin

Patungo Sa Kasalanan

Ang buhay ay maihahalintulad sa musika, mayroong titik, tinig at himig kaya naman kadalasan sinasabi nilang dalawa ang mukha ng buhay na kung isasapuso ito’y may paksang malungkot at masaya. Nawa habang naririto pa tayo sa mundong ipinagkaloob ng Dakilang Lumikha ay magawa nating gapiin ang lungkot na nais manahan sa ating isipan. Dahil kung tutuusin ang kalungkutan ay nilikha ng kalaban ng Diyos na kung pagninilayang mabuti ay maaring magdala sa atin patungo sa kasalanan

Gaya halimbawa nito na bakit sa kabila ng pagdarasal ay nagagawa pa nating manira ng kapwa na wala naming ginagawang masama laban sa atin. Ang iba dahil sa homesick ay laging nagbabad sa internet at chat ng chat na naging daan upang makakuha ng kalaguyo at tulayang iwanan ang tunay na asawa’t mga anak na naghihintay sa Pinas. Meron naman kahit maraming biyayang tinatamasa ay patuloy pa rin sa panlalamang sa kapwa. At sabi ng mga dalubhasang tao ito raw ay sanhi ng kalungkutan at walang Diyos na namamayani sa puso.

Ang katotohanan kapag may Diyos na nananahan sa ating kalooban , marahil di natin gagawing miserable ang buhay ng ibang tao at hihilahin sila sa kapahamakan upang maging malungkot. Kung ating babalikan ang lumang kasaysayan sa Banal na Aklat , dahil sa kalungkutan at walang kasiyahan sa kanyang posisyon kaya nagawa ni Satanas na magrebelde sa Diyos.

Nakakalungkot pagbulayan dahil batid natin ang Doktrina ng simbahan subalit minsan dahil ang iba’y naglilingkod kundi naman ay mulat tayo sa katotohanan tila pinipilit pa rin nating gawing tama ang mali dahil inaakalang kesyo tayo ang mas malapit sa Panginoon. Kaya nga di natin napapasunod ang mga ordinaryong mamamayan dahil tayo mismo ay walang takot na balewalain ang kautusan ng Diyos.

Minsan may mga katanungang bumabagabag sa aking isipan na bakit ang ibang relihiyon ay nagagawa nitong ipatupad ang kautusan ng simbahan bakit tayo bilang katoliko di natin magawa at laging idinadahilan na di kayang kontrolin ang isipan ng ibang tao at ito’y kagustuhan na nila mismo. Kaya naman kapag ganito ang ating maririnig na kasagutan tila nakakapanghina dahil hinahayaan nating mamayani at alipinin tayo ng kasalanan. Parang pakiramdam nati’y wala ng Diyos na maaring gumabay sa atin upang maging karpentero ng ating buhay.

Sa makabagong panahon ang bawat isa’y hinahamon , sinusubukan kung gaaano katatag ang bawat isa sa pagharap sa tunay na anyo ng buhay. Tayo mismo ang maaring humawak ng manibela at kung saan natin dadalhing deriksiyon ito maaring sabihin na nasa ating kamay lamang nakasalalay.

Kopol-kopolan, panloloko at paninira ng kapwa, pagtakas sa responsibilidad, pagluha tuwing may recollection dahil nangakong magbabago at di naman tuluyang tinalikuran ang lumang gawain at pananatili sa makamundong panawagan ng kasalanan ay mga halimbawa lamang ng dahilan ng kalungkutan.

Sa pahayagan, telebisyon, sa mga aklat na kinatha ng mga bantog na nilalang, maging sa palabas sa sinehan at mga testimonya ng mga nabagong mamamayan. Nagkaroon ng kaganapan at naging masaya ang kanilang buhay dahil sa tulong ng Dakilang Lumikha. Walang maaring magsabi ni isa man na naging masaya ang kanilang buhay dahil sa sariling pagsisikap kundi dahil sa kanilang patotoong ginabayan at tinulungan sila ng Panginooong Makapangyarihan.

Ang Diyos ay may ipinangakong pangalawang langit upang doon natin ganap na makakamtan ang buhay na puno ng halakhak at kasiyahan. Maari lamang itong makakamtan kung tuluyan nating ibabasura ang panawagan ng kasalanan na maaring maging dahilan upang masadlak tayo sa malungkot at madilim na kaharian ng kalaban ng Diyos.

Ngayong lingo ng Pentecost ay lagi nating isapuso’t isaisip na ang Banal na Espiritu ng Panginoon ay laging manahan sa bawat isa. Maging intrumento nawa ito sa ating pagbabagong buhay upang ganap nating masundan ang daang tinatahak ng mga yapak ng Diyos Ama.



PARA KAY ITAY

Itay, kaytagal kong pinag-isipa’t pinagnilayan
Mga katagang piling-pili upang ika’y mahandugan.
Bagamat napakalayo ko upang ito’y malaman
Nawa sa simpleng katha iyong mabatid at maunawaan.

Happy Father’s Day at ika’y pinasasalamatan.
Sa mga bagay na di kayang pantayan,
Sa pagbibigay ng edukasyon na tila kayamanan
At sa ginintuang payo na itinatak sa aming isipan.

Noon katuwang si Inay sa pag-aaruga kung ako’y nasa higaan .
Di alintana ang puyat kapag ako’y pinagmamasdan
Dahil katwiran para lamok ako’y di makagat at madapuan
At protektahan laban sa iba’t-ibang uri ng kapahamakan.

Dati-rati sabi mo’y di ako dapat mangibang bayan
Dahil iba’t ibang tao aking pakikisamahan
May kanya-kanyang ugaling mahirap maintindihan
Na nagiging dahilan ng mga sigalot at awayan.

Sa matuling paglipas ng panahon at kapalaran
Tila Itay laging ikaw ang hinahanap sa tagiliran
Maging sa paggagala at pagpunta sa mga pasyalan
Ang ngiti mo Itay aking kasama-sama kahit saan.

Ngayon lagi kong hiling at dasal sa Dakilang Kaitaasan
Nawa mailayo ka sa panganib at di kaaya-ayang kapaligiran
At sana sa mga darating pang araw ika’y mapagsilbihan
Na kahit sa munting pamamaraan ika’y mapasalamatan.




myspace layouts, myspace codes, glitter graphics
myspace layouts, myspace codes, glitter graphics