8.27.2004


SILA NA AKING INAALAYAN

Sa tuwing ako'y pumupunta sa simbahan
Aking dasal sa Amang Makapangyarihan
Mga mahal sa buhay nawa'y gabayan
Upang sa muling pagbabalik sila'y masilayan

Binilang ko ang tunog ng dambuhalang orasan
At ang kalendaryong nakadikit sa pintuan
Kahit inaantok tuwing umuuwi mula sa pingtratrabahuan
Pilit na itong binibilugan at laging tinatandaan.

Kaya nasambit na papalapit na pala aking paglisan
Sa bansang Korea na nagbigay ng kagalakan
Pumuno sa naramdamang kalumbayan
At sa panahon ng pangangailangan.

Ngayong ang pagsubok ay nalampasan
At mga balakid ay pinilit na napagtagumpayan
Hiling ko'y huwag nawang kaiinggitan
Dahil pagmamahal sa kapwa'y laging nasa kaibuturan.


SA ATING MULING PAGBABALIK

Ang mga patak ng ulan sa labas ng aming bahay ay di ko kayang ipunin sa mga palad samantalang ang lungkot na nais mamayani sa oras ng pag-iisa ay di kayang pawiin ng palabas sa telebisyon. Kaya minabuting pagtuunan ng pansin ang nilalaman ng talatakdaan.

Sa bawat pagmamasid at pagbulay-bulay na ginagawa ay may bagay na di kayang abutin ng isipan. Napakaraming lungkot at kasiyahan pala ang nadaraanan, ngunit sa kabila nito ay parang gulong ng sasakyan na ikot ng ikot ang buhay. Minsan nasa ibaba kadalasan naman ay nasa itaas.

Ito ang katotohanan na nararapat lamang na malama’t maintindihan bilang isang nilalang. Sa bawat paglalakbay maari tayong matisod subalit pinipilit na nagpapakataag, kung hindi naman ay mabubuwal subalit di babagsak ng pangmatagalan dahil mayroong lakas at puwersang di kayang ipaliwanang na laging umaagapay sa atin.

Ano nga ba ang ibig na ipakahulugan ng katagang pakikipagsapalaran? Mayroon ba itong pinipiling taong pagkakalooban upang lisanin ang bayang pinakamamahal. At sa pagtugon ng panawagan sino ba ang mga dapat na taong pag-aalayan ng pinaghirapan?

Dito sa Korea marami tayong nakakasama’t nakakahalubilong minsan di natin inisip na makapapalagayang loob, may mga panahon na tuwing namamayani ang kalungkutan at matinding pakikipagtunggali sa hamon ng buhay ay mayroon tayong nakakasalubong na mga taong handang mag-abot ng kamay subalit iba naman ang hinihintay na kapalit. Kaya kadalasan sa banding huli ay napapriwara ang kalagayan.

Likas sa ating mga nilalang ang magkaroon ng mga karanasang di maaaring kalimutan at kadalasan naman ito ang nagiging pananggalang natin upang maging matatag sa bawat hampas at dagok ng tadhana. Napakahirap unawain datapwat ito ang katotohanan na di maaring takasan.

Ngayong paparating na ang mga migranteng unang nabiyayaan ng working permit sinubukan na bang itanong sa isipan kung handa na ba nating lisanin ang bayang ito? Mayroon na ba tayong ginawang balangkas tungo sa pagdating ng panahon ng paghihigpit. O baka naman patuloy tayong nanatili sa lumang gawain. Ang mga kopol na minsa’y kasama sa panahon ng paghihirap, handa na ba iwanan upang balikan ang mga tunay na kabiyak na laging naghihintay sa muling pagbabalik.

Natupad na ba ang mga pangarap na inaasam para sa mga supling ? Nagampanan na ba ng bawat isa ang mga tungkuling dapat ang mga mahal sa buhay ang nararapat na makinabang? O baka naman uuwi tayong laglag ang mga balikat at magsisimula na naman sa kauna-unahang pagpaplano.

Ang kamay ng orasan ay patuloy sa pag-ikot at ang mundo ay ganun din. Magpalit man ng kulay at klima ang kapaligiran ngunit mananatiling itatatak sa puso’t isipan na ang mga taong nilisan ay mga nilalang na laging nagdarasal sa ating muling pag-uwi kahit sabihin pang nabigo o nagtagumpay tayo sa ating pakikipagsapalaran.




SIYA ANG AKING SUSUNDAN

Sinubukan kong tumingala sa kalawakan
Inisa-isa ang damdaming namamayani sa kaibuturan
Kinapa sa dibdib kung mayroong kinakatakutan
Ngunit isang guni-guni lamang pala ang iniiwasan.

Inamoy ko ang mga bulaklak sa halamanan
Diniligan mga nalalantang damo sa bakuran
Subalit tila may nais ipahiwatig sa karamihan
Kaya naman nilingon nag-aanyayang nakaraan.

Isang karangalan ang Panginoo’y mapaglingkuran
Ipinangako na mga yapak niya’y susundan
Kahit ang aking mga daa’y hinaharangan
Pilit itong lalampasan dahil siya sinumpaan.

Datapwat bakit kaya naghihina itong ipinaglalaban?
Dahil ba ang tao’y hinahanapan ako ng kamalian.
Dahil ba sa ayaw nilang makita akong nasisiyahan
O baka naman hindi ako pinaniniwalaan.

Sayang dahil kasama sila sa pinapangarap na kinabukasan
DI inalintana kung anuman ang ibinubulong na kasalanan
Ngunit kung mangyayari na magtatagumpay ang kadiliman
Marahil panahon ang makagsasabi na layuni’y tigilan.