
"PAGDAMAY SA KAPWA"
PINAKAMAGANDANG AGINALDO SA PANAHON NG KAPASKUHAN
Tila nangangamoy na naman ang mga nagsasarapang pagkain para sa noche buena na laging inihahanda ng ating mga magulang sa tuwing paparating ang panahon ng kapaskuhan. "Keso de bola , hamonada, iba't ibang uri ng prutas" at higit sa lahat ang mataginting na halakhakan kapag nagkakaisa sa araw na ito.
Parang kelan lamang tila napakabilis lumipad ng mga araw at sa masusing pagmamasid ko sa kapaligaran ay nagbabagsakan ang mga kulay dilaw at pulang dahon na sanhi ng panahong "Taglagas" at kung palalalimin ang pagmamasid ay ang mga kapwa natin nilikha ay abala sa paghahanda sa pagsalubong sa kapanganakan ng Dakilang Tagapagligtas.
Ilang tulog na lang at ang pinakaaantabayanang pinakamahalagang pagdiriwang sa pagtatapos ng taon ay malapit ng dumating. Dati-rati sa pagsasabuhay sa tradisyunal na kasiyahang ito ay gaya ng nakagawian ang pagbabalot ng aginaldo, paghahanda ng mga masasarap na pagkain at laging pagpupuyat at pagpunta sa simbahan sa siyam na gabing pagsalubong sa Hesukristong Bugtong na Anak, bilang panata ng iba.
Katukin ang ating mga puso' t isipan at sabay tanungin " Sapat na ba ito upang maging kalugod-lugod tayo sa paningin ng Tagapagligtas?" Pansamantala ay huminto ng ilang sandali at humarap sa salamin " Sapat na bang tayo lamang ang masaya at nasasarapan samantalang ang mga taong ating nasaktan ay bahala na sila sa buhay nila?" Minsan sasabayan pa ng pagbubulas na "kasalanan nila iyon sila ang may hawak ng kanilang buhay".
Totoo nga bang tayo ang may hawak ng manibela kung saang dako natin dadalhin ang sasakyang ginagamit (buhay ) at kung sakaling magkamali ng pagpreno ay walang ibang sisihin kundi tayo na rin mismo.O baka naman ito'y haka-haka lamang ng mga taong mahilig sa kasabihang "Mind your own business"
Sabi ng mga matatalinong nilalang na 50% lubos ang kanilang paniniwala na hawak ng tao ang pagkokontrol sa kanyang buhay. Datapwat ayon naman sa ibang paham na hindi sa lahat ng pagkakataon tayo ang nagdidikta sa ating isipan, mayroong mas makapangyarihang tanging nakakalaam kung saan talaga tayo patungo.
Araw-araw ay may iba't ibang uri ng karanasan ang ating nasasalubong minsan ang naranasan natin ay mararanasan pa lamang ng iba diyan o kundi naman ay magiging bato na lamang tayo kapag napakinggan na ang kasalukuyang suliraning kinahaharap ng ating kapwa ay katulad din ng suliraning ating naranasan noon at dahil sa takot na mabatid na nagkaroon ng ganoong problema ay tatalikuran na lamang ang taong nangangailangan ng karamay.
Sa kasalukuyan laging abala tayo sa pag-iisip kung anong materyal na aginaldo ang ating dapat ibigay sa mga taong ating kakilala subalit napakaganda sanang isipin kung ang ating pinag-tutuunan ng pansin kung ang regalong nakahanda ay ang pagtugon sa mga taong may malalim na suliranin sa buhay. Huwag nating gayahin ang ginawa ng tatlong may ari ng bahay na pinuntahan ng pamilyang Maria at Jose na pawang kabiguan ang kanilang natanggap kaya napadpad sila sa sabsaban ng mga hayop.


