5.01.2004

WANTED !!! IKALAWANG RAMON MAGSAYSAY


Ilang tulog na lang at ang pinakaaantabayanan nating mga Filipino ay papalapit na. Marahil ang nais ipaabot at ipabatid ay di kaila sa lahat na ito ang pampanguluhang halalan na gaganapin sa Mayo 10.
Mulat tayo na nitong nagdaang pangangampanya ng bawat kandidato ay sari-saring pangit na dumi ang ibinabato sa kani-kanilang mga kalaban, kaya naman tayong mga nagmamasid at nakikinig ay walang tigil sa pagsasabi na " Matira ang matibay !!!" kundi naman ay naibulalas na "kung sinong may pinakamalaking ipinamudmud na pera ay doon tayo" Ang bawat isa kahit di alamin ay may mga takot at katanungang laging kaakibat sa pang-araw-araw na pamumuhay. Nangangamba tayo na baka maaring maulit muli ang mga pangyayaring minsa'y naging isang kontrobersiyal na balita sa buong mundo, gaya ng dayaan ng mga kandidato o di kaya'y nagwawagi ang di inaasahang tao na humahantong sa isang makasaysayang Edsa 1 at Edsa 2.
Paano kaya natin maiaangat ang katayuan ng ating bayan? Mayroon pa bang mga paraan upang ganap na masugpo ang mga lumalalang anomalya na kinasasangkutan ng mga kasali sa halalan? Tulayan na bang babagsak at mawawalan ng halaga ang ating pananalapi kung sakaling patuloy na di ito binibigyang pansin ng mga taong dapat nakakalam sa sitwasyon ng kabang-bayan? Sino nga naman kaya ang tunay at karapat-dapat na tawaging magwawagayway ng bandilang Pilipino? Mga pangkaraniwang tanong na ang sagot ay isang masusing pagninilay at pagbubulay-bulay.
Kabayan, kahit sabihin nating 867 lamang ang mga boboto dito sa Korea nawa'y huwag masayang ang desisyong ating isusulat sa balota .Isipin na ang taong ilalakip natin sa papel na iyon ay isang nilalang na nagtataglay ng kabusilakan ng puso at may pagmamalasakit sa kanyang mamamayan at napipilay na bayan. Ang boto ng bawat isa ay katumbas ng boto ng mga taong di binigyan ng pagkakataong di sanayin ang kanilang ipinagkakait na karapatan.
Kahit maraming bali-balitang nagsusulputan na kung ang mananalo ay walang pinag-aralan tiyak ang ating bansa ay maaring damputin sa kangkukan, o kung di naman ay kapag patuloy na magwawagi ang dating nakaupo marahil batid na natid kung anong kahahantungan at bukas na maghihintay.
Walang tumpak at wastong tugon subalit mulat ang bawat isa sa mga balitang kinasasangkutan ng mga kalahok sa halalan, sabi nga ng iba na ang lahat ng mga kadidatong iyan ay pawang " qualified" subalit kung pipili lamang ay iyon ng "lesser evil" Nakakatuwa dahil ang ating bayan ay sagana sa mga pinunong may angking karisma sa masa at kung aanalisahing mabuti ang mga maglalaban-laban sa halalang nabanggit ay pawang may katangiang kakaiba, matalino nga subalit sangkot naman sa anomalya , salat sa pinag-aralan ngunit ang puso'y para sa mamamayan, matahimik na tao ngunit di batid natin kung anong klaseng pamamaraan at pamamalakad ang ilalahad nito sa sambayanan.
Kelan kaya tayo makakakita't makakatagpo ng ikalawang pangulong kahalintulad ni Ramon Magsaysay na kapag binabanggit ng mga pulitikong tunay na nakababatid sa pagpapatakbo ng bansa ay di kayang pantayan ang dunong at galing nito? Kelan kaya tayo muling pag-uusapan ng mga bansang karatig-Asya na dahil sa ating kakaibang pinuno ay naiangat ang ekonomiya ng bansa. O baka naman panibagong Marcos at Estrada ang naghihintay sa ating balota?

Tok! Tok! Tok! magnilay tayo kabayan at ang makulay na bukas ay nakasalalay sa ating kamay.


HOSANA! HOSANA! HOSANA! "Asahan Mo PANGINOON Sasamahan Kita"

Marami sa atin hanggang ngayon ay patuloy na nagsisimba na para lamang sa pagtupad sa utos ng Diyos dahil ayon sa kanila na nararapat igalang ang araw ng Linggo ngunit di naman isinasapuso ang mga napapakinggan sa loob ng simbahan. Kadalasan kapag tapos na ang Misa tila ang ibinahagi ng pari sa homiliya ay parang hangin na bumulong sa mga tenga at iyan ay di maikakaila.
Hosana ! Hosana ! Hosana ! Ito ang katagang isinisigaw at binitawan ng ating mga ninuno noong panahon ni Hesus nang pumasok siya sa Nazareth. Marahil kung isa ka sa mga nakasaksi nung araw na iyon tiyak na dadaloy ang luha mo sa kagalakan dahil tila napakaamo at napakabait ng kanyang nilikha dahil tunay na kinikilala't dinadakila ang kabutihang dala-dala nito sa sanlibutan. Datapwat di maiwawaksi na dahil sa ating pagiging karaniwang tao ay bigla tayong nag-aalangan na kung saan ito ang magdadala sa atin sa kasalanan. Ito rin ang naging dahilan kung bakit binawi ng mga taong nakasaksi ng katagang Hosana! Hosana! Hosana! nang dalhin si Hesus sa harapan ni Pilato.
Sa makabagong panahon kung ating igagala ang paningin, tiyak na magugulat ang bawat isa dahil ang lumang kasaysayan ay laging nauulit at iyan ay talamak nating nakikita sa pagmamasid sa mga mag-asawang nagkakahiwalay.
Marahil kung napakabilis tumugon ng magsing-irog sa panahon ng matrimonya ganun din kabilis ang ginawang pagtugon ng ating mga ninuno na ipako si Hesus sa krus at pakawalan si Barabas. At kung aanalisahin, dito unti-unting natatalo ang kabutihan ng kasalanan.
Isang napakalaking hamon ang iniwan sa atin ng Dakilang Tagapagligtas na dapat nating pagbulay-bulayan kung ano ba ang nararapat nating tahakin na daan. Nasa atin ang kasagutan kung paano natin binibigyang halaga ang mga kasaysayang ito na nagpasalin-salin mula noon hanggang sa kasalukuyan.
Ngayon subukang idilat ang mga mata at gamitin ito sa tamang paraan, Huwag mong takpan ang mga tengang dapat ay nakikinig sa mabubuting aral at balita. Nawa kung anong sinumpaan sa harapan ng Diyos, huwag mag-atubiling ipagpatuloy ito dahil ang hinaharap ng mga kabataang umaasa ay nasa ating mga palad kung paano tutugunin ang panawagan.
Ngayong linggo ng palaspas subukan mong tanawin pabalik ang kasaysayang naitala ng ating mga ninuno na dahil sa kanilang pagtalikod sa sinumpaang sasamahan si Hesus at sa pag-aalinlangang siya ang magdadala ng kaligtasan ay tuluyan itong naipako sa krus.
Maari lamang mapatid ang lubid ng pagkakasala patungo sa impiyerno kung tayong mga makasalanan ay ganap na makikiisa sa panawagan ng Panginoon at ito ang pagsisisi sa mga kamaliang laging dala-dala at pag-aalinlangang nagiging dahilan sa pagkakalulong natin sa kamunduhan at kung lubos na matutupad ito,ang Hosana ay katagang "Sa hirap at dusa asahan mo Panginoon sasamahan kita"


KAILAN KAYA TAYO MAGIGIGISING SA KATOTOHANAN?


Paano ba natin pinapahalagahan ang pagkamatay ni Hesukristo sa krus? Kung ating bibigyang pansin ang Pasyon, ito ay isang bahagi ng kuwento ng buhay ng Dakilang Tagapagligtas kung paano niya ipinakitan ganap ang tunay na pagpapakasakit at pagpapakahirap. Hayaan ninyong ibahagi ko ang isang liham panawagan mula sa isang kaibigan upang sa araw-araw ay ating lubos na mapagnilayan.

Pinakamamahal kong kaibigan,

Parang kailan lang nang ako’y isilang sa sabsaban, kasama-sama ang mga maaamong hayop na di maipaliwanag ang galak na namumutawi mula sa kanilang mukha. Marahil kung pinatuloy lamang ninyo kami nang magdalang tao ang aking butihing Inang Maria, kaaya-aya siguro ang aking hinihigaan.

Kahit di nakatala sa banal na aklat ang aking talambuhay nang ako’y maglabing tatlong taong gulang hanggang dalawampu’t siyam, subalit huwag kayong mag-alala dahil ang mabuting daan ang aking sinusundan.

Sa pagsapit ng aking ikatatlumpong taong gulang naipadama ko’t naipakita ang mga milagrong minsang di pa ninyo nasaksihan at di kaila na karamihan sa mga ninuno ninyo ay magpapatunay nito.

Subalit nakakalungkot dahil sa kabila ng mga kabutihang aking ipinamalas upang sa hinaharap ay masundan ang aking mga yapak , ang katanungan ay di maiwaksi sa puso’t isipan . Bakit pilit pa ring ninyong tinatahak ang maling daan? Kumakatok ako minsan sa inyo na nawa’y pagbuksan ngunit tila yata ako’y sinasaraduhan ng mga malalawak na pinto ng inyong kalooban.

Kaibigan, pagbulay-bulayan mo raw ang Pasyon ng aking kalbaryo, Marahil kung isa ka sa mga nakasaksi sa aking paghihirap tungo sa bundok ng Golgotha, hilingko’y huwag kang luluha. Kahit ibig akong tulungan ng aking Ina datapwat ang sakit na kanyang nadarama ay pilit na kinimkim dahil batid niyang kagustuhan ito ng aking Diyos Ama.

May mga araw na nakikita mo ako sa tagiliran ng simbahan at humihingi ng konting limos para pantawid gutom subalit tila napahirap mong bumunot samantalang sa panahon ng pagliliwaliw ay simbilis ka ng kidlat kung magbigay.

Sa panahon ng iyong kalungkutan hindi mo alam ako’y nasa harapan at pilit kang pinapatawa. Kung ika’y natatalisod dahil di mo nakayanan ang bigat ng problema agad kitang inaalalaya’t kinakandong.

May umagang ipinakikita ko ang tunay na kulay ng mundo upang sa buong araw ay ganap na masilayan ang kakaibang kulay at huni ng kapaligiran. Ngunit di ka pa rin nakokontento, pilit mo pa rin itong dinumihan dahil para sa iyo ikaw ang nakakabatid kung anong nararapat.

Taun-taon lagi ninyo ginugunita ang aking pagpapakasakit subalit tila ata sa halip na mabawasan ang kasalanan ay lalo itong nadaragdagan. Dahil diyan parang pinipiga ang aking puso at ang sugat na sanhi ng pagpalo ng mga hudyo, sa totoo lang tila kasabwat ka nila sa paghagupit sa akin. Gusto ko sanang lumuha ngunit pilit kong pinigilan dahil upang ipakita sa inyo ang ganap na kaligtasan at nagbabakasakaling kahit konting pagtingin ako'y aalayan.

Kailan kaya matatapos ang hirap at pasakit na aking dinaranas? Kailan kaya maghihilom ang mga sugat na sanhi ng mga hagupit? Kailan naman kaya babalik sa orihinal na anyo ang kamay kong nabutas dahil sa pagpako ng mga taong aking iniligtas.
Ngayon kung sakaling abala ka sa iyong mga ginagawa, nawa kahit konting oras tumingala ka sa aking kinalalagyan. Noong binigkas ko ang katagang "Ako'y nauuhaw." Sana naglaan ka ng konting tubig at ako'y binigyan.
Hayaan mo kung pilit pa ring ipinapinid ang mga mata sa tunay na nangyayari at tinatakpan tengang dapat ay ginagamit sa pakikinig sa tamang daan. Asahan mong di kita pipilitin, ngunit lagi mo sanang tandaan na minsan lamang ako daraan sa inyong mundo at ang minsan na iyan ay mag-iiwan ng bakas sa inyong daraanan.


Nagmamahal,
Hesus


KUNG SAKALING MAGIGISING KA SINTA

Mula noon at hanggang ngayon aking sinta
Tila ikaw pa rin ang laman ng isipan sa tuwina
Subalit may katanungang puno ng pag-aalala
Na laging bumabagabag sa tuwing hihiga sa kama.

Mahal kung iyong naaalala't nagugunita
Hiniling kita sa ating Dakilang Ama.
Datapwat kapalaran ay mapaglaro talaga
Kaya naman bigla akong napaupo sa ating silya.

Noong ika'y nagpaalam papuntang Korea
Di maipaliwanag damdaming tila kakaiba
Dahil ayaw bumagsak nitong aking luha
Kaya sabi ko'y " paglalaruan tayo ng tadhana."

Nagbago ang ating kapaligira't klima
Si Jr. na ang mukha'y laging masaya
Bigla na lamang umiiyak dahil hinahanap ka
Kaya sagot ko'y paparating na iyong Ama.

Ano nga ba ang tunay na dahila't balita?
Totoo bang mayroon kang ibang kinakasama?
Katabi sa gabing malungkot kapag nag-iisa
At siya ang tugon kung bakit ka naging iba.

Kung magigising sa ginagawang di kaaya-aya
Nawa huwag mag-atubiling bumalik sa iyong pamilya
Kami na itinuturing na kaagapay sa darating na umaga
Laging naghihintay at handang daramay pa.