MGA LUHA PARA SA KATARUNGAN AT HUSTISYA
Pagmasdan ang isang bayang hinamon ang katatagan ng kanyang mamamayan at dahil sa pagkakaisa nagkaroon ng kaganapan na muling mabawi ang sariling bansa (Pilipinas) na minsa’y niyurakan at inalipusta ng mga banyaga.
Noong unang panahon uso na ang tinatawag na pagtapak sa mga karapatang pantao dahil ang mga Israelita ay walang pakundangang ginawang alipin ng mga taga Ehipto. Sila ang mga tinaguriang Dayaspora ng lumang tipan na dahil sa pagsusumikap at di nawalan ng pananalig ay nabigyan ng pagkakataong sagutin ng Diyos ang kanilang mga luha para sa katarungan at hustisyang ipinaglalaban patungo sa ganap na kalayaan.
Kahit sa Ikalawang Digmaan maraming nalagas na buhay dahil sa tinatawag na Holocaust. Kung natatandaan natin merong ginawang comfort women at ikinulong ng walang kasalanan, meron din isinasali sa firing squad kahit wala namang nilabag.
Balikan natin noong panahon ng Martial Law marami rin ang nakaranas na tapakan ang kanilang karapatang pantao na kagagawan ng ating sariling pamahalaan mismo.Walang pinaliligtas kung sakaling ika’y nagkakasala.
Tayong mga Filipinong manggagawa na nagpapakahirap upang tumulong sa ating mga naiwanang pamilya at mahal sa buhay ay maaring bansagang makabagong dayaspora ng bagong milenyo.Dahil batid ng lahat ang ginagawang pagtanggap natin sa pagtakap sa mga di makataong pang-aalipusta ng mga dayuhan.
Dito sa Korea subukan kaya nating alamin na patuloy pa ring gumagana ang tinatawag na human rights violation. Karamihan sa ating mga kababayang Filipina na nagtratrabaho sa Red light Districts ay nakakatanggap ng pasa mula sa kanilang mga amo kung sakaling di susunod sa mga ipinag-uutos.
Maraming kaso na ang maari nating banggitin, nandiyan ang delayed salaries, ipinapagawa kahit di nila area of concentration gaya ng mga singer natin ay tinatratong hostess para aliwin ang costumer pagkatapos ng pagkanta.
Mga Filipinang tawag ay biktima ng Moonies mula sa Unification Movement. Mga kababayan nating lumalampas na sa oras ng pagtratrabaho at kahit may sakit na nararamdaman ay pilit pa ring pinagtratrabaho sa kani-kanilang pabrika. Nasaan na ang tunay na hustisya’t katarungan nito?
Ngayon patuloy pa rin ba tayong luluha at iiyak sa paghahanap ng tunay na hustisya’t katarungan sa kanilang mga pang-aalipusta o baka naman tutulad din tayo sa mga kapwa natin dayuhang kinitil ang sariling buhay dahil sa matinding pangamba at takot na namamayani?
Marami ang nagsasabi na hindi na talaga mapipigilan ang mga lumalabag na iyan dahil konting suhol lang gagawa at gagawa ulit ng panibagong pagyurak dahil ang ating mga tinitingala tao ay pumapayag sa ganitong sitwasyon kaya naman hindi nagbabago ang takbo ng lipunan.
Maituturing din marahil na paglabag sa karapatang pantao ang ginagawang paggupit sa mga passport na di pa expired na ginagawa ng ating embahada dahil dapat bago gupitin ay tanungin muna ng maayos ang migrante kung sakaling may kulang pang papeles.
Isang konkretong halimbawa na nilalabag ang ating karapatang pantao ay ang CRACKDOWN , dapat di nila ikinukulong ang mga migranteng nahuhuli at laging tatandaan kriminal lamang ang dapat ikulong at tayo’y manggawa na ang tanging pagkakasala ay maghanap ng ganap na pagkakakitaan upang maibsan ang mga kumakalam na sikmura ng ating mga pamilya.
Nawa’y magpakatatag at panatilihing magbasa upang lubos na maunawaan na kahit tayo’y dayuhang karaniwang manggawa nararapat lamang na protektahan ang ating karapatang pantao.
Subscribe to:
Comments (Atom)


