9.09.2004


WALANG KINAKAMPIHAN

Muli kong pinakiramdaman ang kapaligiran
Iginala ang mga mata tungo sa isang daraanan.
Tila di kayang itago ang napagmamasdan
Dahil ginugulo sa pag-aanalisa itong isipan.

Mahirap magbigay ng tugon kung puno ng kakulangan
Nakakalito kung basta –basta na lang daragdagan.
Mga suliraning sagot ay di makita’t matagpuan
Marahil mayroong nais ipakahulugan sa karamihan.

Buhay ay puno ng pag-aalinlangan kung nakikipagsapalaran
Hindi batid kung tayo’y madadapa sa pakikipagsabayan.
Kahit sabihin pa nating tayo’y puno ng karunungan
Ngunit huwag padalus-dalos baka ika’y matyempuhan.

Tunay nga bang kapag problema ika’y kinapitan
Ang lahat ng Santo iyong tinatawagan
Huwag lamang igupo, kasalana’y agad pinagsisihan
Dahil batid mga darating na kaparusahan.

Huwag magtaka paminsan-minsan o sa kadalasan.
Tayo rin di ligtas kung may mga pag-aalinlangan
Kahit ibulalas na di ka maaring dapuan
Subalit di ito nararapat na gawing batayan.


8.27.2004


SILA NA AKING INAALAYAN

Sa tuwing ako'y pumupunta sa simbahan
Aking dasal sa Amang Makapangyarihan
Mga mahal sa buhay nawa'y gabayan
Upang sa muling pagbabalik sila'y masilayan

Binilang ko ang tunog ng dambuhalang orasan
At ang kalendaryong nakadikit sa pintuan
Kahit inaantok tuwing umuuwi mula sa pingtratrabahuan
Pilit na itong binibilugan at laging tinatandaan.

Kaya nasambit na papalapit na pala aking paglisan
Sa bansang Korea na nagbigay ng kagalakan
Pumuno sa naramdamang kalumbayan
At sa panahon ng pangangailangan.

Ngayong ang pagsubok ay nalampasan
At mga balakid ay pinilit na napagtagumpayan
Hiling ko'y huwag nawang kaiinggitan
Dahil pagmamahal sa kapwa'y laging nasa kaibuturan.