6.26.2005



ANG TAMANG DAAN

Kaibigan hawakan mo aking kamay patungong kalawakan
Damhin hanging kaloob ng Amang Makapangyarihan
Kung anong maramdaman maari ba akong bahaginan?
Dahil sasabihin ko ito sa ating mga kababayan.

Pagmasdan naman natin ngayon ang buong kapaligiran
Batu-bato sa langit nawa'y di natin matapakan
Itong mga taong nagpapakalunoy sa kamunduhan
Tawag ay kopol-kopol dahil sariling pamilya'y tuluyang iniwanan.

Ano na nga ba ang nangyayari sa ating mundong ginagalawan?
Kanya-kanyang siraan at ang inggit ay di maiwasan
May tugon na bang inihanda na dapat sundan?
O baka naman marahil kabilang tayo sa ganitong samahan?

Tsk! Tsk! Tsk! Saan na ba patungo itong ating pamayanan?
Sambayanang nilikha ng Diyos upang lahat ay magtulungan
Datapwat sa kapabayaan tila ang kasamaa'y ating pinapanigan
Na kung susurii't titingnan tila tayo'y napagtatawanan.

Kelan kaya natin tunay na makikita ang tamang daan ?
Isang eskinita na naglalaman ng katotohanan
Bagamat masikip at mahirap matuntunan
Ngunit kung magpupursige malamang ating mapupuntahan.

4.14.2005





Ang Kasagutan

Ang takipsilim ay ating pagmasdan
Huni ng ibon sa kapaligira’y pakinggan
Tila may ibinubulong para sa karamihan
Maari ba natin itong pagnilayan?

Sa haba ng gabing dumaraan
Maraming nagbabakasakaling may kasagutan
Sa katanungang dala-dala sa higaan.
Kung ano man iyon maari bang malaman?

Bakit ang sulirani’y kakambal ng kapalaran?
Kahit pilit mang iwasan at layuan
Kusang humahabol ng di namamalayan
Dahil ito raw talaga itinadhana ng Kaitaasan.

Ngunit sa paglitaw ng bukang liwayway sa harapan
Isa-isahin natin ang paglutas sa mga palaisipan
Huwag mangiming magbigay ng kalutasan
Simple man ang sagot subalit may kapupulutan.

Sa matuling pag-ikot ng dambuhalang orasan
Nawa ang mga katanunga’y natugunan
Hungkag man ang ibang kasagutan
Bagamat mayroon tayong natagpuan.