10.25.2004

NGAYONG NOBYEMBRE 1 AT 2

SUBUKANG TUMINGALA SA KALANGITAN
BILANGIN MGA BITUING NAGKIKISLAPAN
ALAMIN KUNG ANONG BUMABALOT NA KAHIWAGAAN?
BAKA ITO TUMUGON SA IYONG MGA KATANUNGAN.

PARANG KAILAN LAMANG KAPILING ATING MGA KAIBIGAN
SA DI INAAKALANG PAGSUBOK SILA'Y LUMISAN
BAGAMAT NAPAKAHIRAP HARAPIN ANG KATOTOHANAN
NGUNIT NARARAPAT NA TANGGAPIN NG BUONG KATAHIMIKAN.

NOBYEMBRE 1 AT 2 NA NAMAN PALA KABAYAN
WALA KA BANG BALAK PUMUNTA SA KANILANG HIMLAYAN?
O BAKA NAMAN MAGSISINDI LANG NG KANDILA SA TAHANAN.
UPANG MAIPABATID NA SILA'Y NASA PUSO'T ISIPAN.

BATID NILANG DI NATIN SILA NAKAKALIMUTAN.
ALAM DIN NATING TAYO'Y KANILANG PINAGMAMASDAN
AT KAHIT SAANG DAKO ANG KANILANG KINAPADPARAN.
HILING SA KAITAASAN SILA'Y LAGING GAGABAYAN.

9.09.2004


WALANG KINAKAMPIHAN

Muli kong pinakiramdaman ang kapaligiran
Iginala ang mga mata tungo sa isang daraanan.
Tila di kayang itago ang napagmamasdan
Dahil ginugulo sa pag-aanalisa itong isipan.

Mahirap magbigay ng tugon kung puno ng kakulangan
Nakakalito kung basta –basta na lang daragdagan.
Mga suliraning sagot ay di makita’t matagpuan
Marahil mayroong nais ipakahulugan sa karamihan.

Buhay ay puno ng pag-aalinlangan kung nakikipagsapalaran
Hindi batid kung tayo’y madadapa sa pakikipagsabayan.
Kahit sabihin pa nating tayo’y puno ng karunungan
Ngunit huwag padalus-dalos baka ika’y matyempuhan.

Tunay nga bang kapag problema ika’y kinapitan
Ang lahat ng Santo iyong tinatawagan
Huwag lamang igupo, kasalana’y agad pinagsisihan
Dahil batid mga darating na kaparusahan.

Huwag magtaka paminsan-minsan o sa kadalasan.
Tayo rin di ligtas kung may mga pag-aalinlangan
Kahit ibulalas na di ka maaring dapuan
Subalit di ito nararapat na gawing batayan.