6.11.2008

ANG ISANG CHURCH VOLUNTEER

April 25, 1991 nang lumapag ang gulong ng sasakyan ng eroplanong aking sinasakyan . Kahit napakalamig ng klima ay tila di maiwasang mamayani ang galak sa puso dahil parang panibagong karanasan na naman ang aking tatahaki’t lalakbayin.

Taong 1992 nang makita ko ang isang babasahing ‘Sampaguita’ na nagmula pa sa Chayangdong church na kung saan dito nagsisimba ang mga Filipinong nagtratrabaho sa Korea lalung-lalo na sa mga naninirahan sa Seoul. Dito ko rin pinagmamasdan ang lahat ng kilos ng mga naglilingkod sa simbahan kung paano ba ang kanilang pakikitungo sa ating mga kababayan. Kaya naman kahit na may munti akong kakayanan ay pinilit kong ibahagi ito sa ating Sambayanan.

Mahirap ang simula ng paglilingkod ko sa ating pamayanan nandiyan ang masabihan akong hindi ito nababagay na lugar para sa akin at walang puwang daw sa akin ang simbahan na ito na gaya ng mga katulad ko. Napakasakit subalit gaya ng dati lagi kong pinipilit ang aking sarili na malalampasan ko rin ang mga pamumunang iyon.

Bilang isang volunteer maihahalintulad sa tatlong bagay ang ating ginagawang paglilingkod sa Panginoon. Gaya ng isang ‘Tabak’ na laging idinadarang sa apoy upang maging matulis at sharp sa bawat area na kanyang ginagalawan. Katulad ng dahon ng ‘Evergreen’ na kahit ang klima ay winter, summer, spring at autumn ay patuloy na nanatiling kulay luntian. Kahalintulad ng isang baling putting ‘Kandila’ na kahit may kahinaan ay walang sawang nagbibigay liwanag sa kanyang kapwa.

Noon sabi nila ang paglilingkod sa simbahan ay dapat mayroon kang tatlong T’s na pinanghahawakan. ‘Time’ dapat may sapat na panahon ka sa ating mga kababayang nangangailangan ng tulong gaya sa mga nagkakasakit at sasamahan mo sila sa hospital o iba pang mga problemang kanilang kinahaharap at nawa lagi kang may sapat na oras sa pakikinig sa kanilang inihahaing suliranin.’Treasure’ sa paglilingkod sa simbahan ,lagi nating tatandaan na tayo din ay kinakatok ng panginoon na magbahagi ng ating konting pera na pantulong din sa mga indigent migrant workers.’Talent’ na tunay namang di dapat pagtalunan dahil sa munting talento at kakayahan marami na tayong napapasayang tao, gaya ng pagkanta, paglilinis sa simbahan, pagsusulat sa newsletter at marami pang iba.

Subalit sa matuling pag-usad ng kamay ng orasan tila dapat nating dagdagan ng isa pang ‘T’ at ito ang tinatawag na ‘Truthfulness’. Dapat magpakatotoo tayo sa ating sarili, harapin natin ang Diyos ng may buong kalinisan at walang bahid ng pagkukunwari. Tunay na sinasabing maaring maglingkod ang mga makasalanan subalit lagi rin nating itanim sa ating isipan na kung magpapakatotoo lamang tayo sa ating sarili at handa tayong magpabago sa ngalan ng Diyos tiyak na magkakaroon ng katahimikan ang ating puso sa paglilingkod at iyan ay di na dapat pang pagdebatihan, At ang mga nakakapasok sa kaharian ng Langit ay iyong handang sumunod sa kagustuhan ng Panginoon.

Ilagay sa ating puso’t kaisipan na tayong mga naglilingkod sa simbahan ay di mababait na tao at di rin masasamang nilalang , Subalit tayo ay isang Kristiyano na sa bawat oras ay pinipilit at laging nagsusumikap na masundan ang yapak ni Kristo



Saan Ka Man Naroroon

Noon ang buhay ko ay binabalot ng kalungkutan
Dahil paggising ko tila puno ng kahungkagan
Parang may hinahanap akong di matagpuan
At ganda ng kapaligiran di magawang ngitian.

Subalit ganap itong nagbago nang pinagtagpo ating daan
Nakilala kita sa di inaasahan at kakaibang pamamaraan
Sabi nila ay internet chatting daw kung tawagin ng karamihan
Kaya naman ang kalumbayan ay napalitan ng kasiyahan.

Mahal, sa ikli ng panahong ating pinagsamahan
Isang natatanging pag-ibig sumibol sa kaibuturan
Mala hardin ng rosas lagi kong nasisilayan
At marahil tunay na pag-ibig na di kayang pantayan.

Ngunit ang kaligayahang iyon ay di pangmatagalan
Sinubok tayo ng panahon at tinanggap na ito ang kapalaran
Kaya naman sumumpa na pagmamahalan ay panghahawakan
Kahit anong mangyari ang nakaraan ay muling babalikan.

Saan ka man naroroon aking dasal sa Kaitaasan
Nawa ay gabayan ka niya sa araw-araw na pakikipagsapalaran
Huwag kang bibitiw sa ating pangako”t sumpaan
Dahil batid kong ika’y kaloob ng Amang Makapangyarihan.

1.25.2008

Ang Kahapon ay Tuldukan, Ang Ngayon ay Ngitian

Sa mga Filipinong mahilig makipagsapalaran
Nawa ang bawat isa, taong 2008 ay pagnilayan
Dahil may hatid ito sa atin na katanungan
Na nararapat lamang na masagot ng may kalaliman

Noon ang Korea ay inaakalang bansang tugon sa pangangailangan
Ngunit bakit kaya ngayon tila wala pang naipundar na kayamanan?
Dahil ba sa abala sa pakikipagsosyalan at ibang libangan
O baka naman may natagpuan na kopol-kopolan

Tunay ngang ang paglalakbay sa ibang bayan
May kaakibat na tukso at balakid paminsan-minsan
Datapwat kung susuriing mabuti tayo ang may kasagutan
Na di dapat idahilan na tayo'y mahina at marupok kaibigan।

Sana Kasabay sa pagtuntong ng alas dose ng orasan
Kung nanalangin tayo kasama ang buong Sambayanan.
Ang puwersa na bumabalot sa kadiliman
Marahil tuluyang maglalaho at matutuldukan।
Mag-ingat Nawa sa Tuwina

Dati-rati akala ko napakalungkot sa Korea.
Subalit sa palagian kong pagsisimba
Tila ang lumbay ay napawi at nawala
Dahil sa tulong ng Dakilang Lumikha.

Ngunit may mga panahong sinusubok ng tadhana
Ang higpit ng kapit sa panananampalataya.
May araw na si Taning laging nag-aanyaya
Na lalakipan ng ngiti at animo’y tuwang-tuwa.

“Ating desisyon kadalasang destinasyon” sabi nila
Nakakapanghinayang kung sa kadiliman tayo papunta.
Nakakalungkot kung masusunog naman ang kaluluwa.
Ngunit sa kinabukasan tayo lamang tunay na magpapasya.

Kaibigan huwag naman sana tayong padadala
Sa tukso ng mga matatamis na dila
Na maghahatid sa atin tungo sa landas ng pagkakasala
Dahil ang kalaban laging nakaantabay at nag-aanyaya.