6.25.2007

Sa Saliw Ng Aking Panulat

Sa saliw ng aking panulat mahal nais kitang pasalamatan
Sa pagbibigay ng kagalakan sa panahon ng kalungkutan
Sa pag-abot ng iyong mga kamay na di nag-aalinlangan
At nang ako’y naguguluhan ibinulong tamang kasagutan.

Sa saliw ng aking panulat mahal muli kong ilalarawan
Ang hirap at pasakit na tila bangungot sa isipan
Na kahit pinipilit kalimutan ay lagi akong binabalikan
Ng mga pangit na nakaraan na nais kong takasan.

Sa saliw ng aking panulat mahal tila ipinagkaloob ka ng kalangitan
Tugon sa mga gabing halos ang luha’y di mapigilan
Kasama huni ng mga kuliglig sa gabing puno ng kapanglawan
At ang kadiliman na bumabalot sa kapaligiran.

Sa saliw ng aking panulat mahal lagi sana nating tatandaan
Ang Diyos Ama na ang gumagawa ng mga pamamaraan
Upang tayo’y di magkahiwalay patungo sa kinabukasan
Pinapalakas bawat isa upang mga hadlang ay mapagtagumpayan