
Sino Nga Ba Ang Maaring Maglingkod ?
"Panginoon ituro mo sa akin ang paglilingkod
Tunay at dalisay na walang dapat na nakabakod
At gagawin ito upang maging kalugud-lugod
Para naman pagdating ng araw ako’y iyong maibukod".
Bilang ordinaryong nilalang paano ba natin masasabi na tapat ang ating paglilingkod? Mayroon ba tayong sukatan na laging iniisip parati na sa bawat pagkilos na ginagawa ay maibubulas kaagad na “Tama na ito kalulugdan na ako ng Maykapal”.
Sa ating kapwa kapag tayo’y nagmamasid sa mga taong naglilingkod sa simbahan paano ba natin sinusukat ang kanilang pagiging tapat sa kani-kanilang gawain? Sapat na bang maging pamantayan natin na lagi silang nakikita tuwing Linggo na nakaluhod.
“Maari bang akayin ng isang bulag ang kapwa bulag?” Minsan napapatawa tayo dahil masasambit natin na “Paano kaya iyon kapag sabay na naglalakad baka sabay din silang madapa o di kaya mahulog sa bangin.” Ito ay isang halimbawa ng kuwentong simple subalit malalim ang kahulugan. Dahil para na rin nating sinabi na di maaring umakay ang isang makasalanan ng kapwa makasalanan patungo sa tamang daan.Naglalagay kaagad tayo ng limitasyon at bakod.
Muli nating balikan ang unang kasaysayan. Si Abraham na dating may anak sa labas ay tinanghal na Ama ng iba’t ibang lipi. Si Moises na nakapatay ng isang kawal ay inatasang magligtas sa mga aliping Israelita mula sa kamay ng taga Ehipto.Si San Pedro na sa kabila ng pagtanggi niya sa mga katanungan ng nang-uusig na mga kawal tungkol kay Hesus ay nahirang pang maging tagapagbantay sa pintuan ng Kalangitan. Ang mga makasalanang santo noong unang panahon ay lagi na nating dinadasalan ngayon dahil nakaukit sa ating isipan na tayo’y tutulungan.
Bakit tila nandidiri tayo sa mga kopol-kopolan ? Sa mga nakagawa ng kasalanan bakit ang bilis nating magbigay ng parusa. At bakit kaya na sa halip na ating tulungan at ipaunawa ang tama’t mali ay pilit na lang nating hinahayaan kundi naman pinag-uusapan na walang kalaban-laban. Minsan kapag pumapasok sila sa simbahan agad maglalaro ang ating isipan. Para bang tinatanggalan na natin sila na wala ng karapatang magbago.
Balikan natin ang dalawang bulag. Maari ba silang mag-akayan? Ang sagot diyan ay OO naman dahil mata lang nila ang may deperinsiya at di ang apat na senses dahil maari pa nilang gamitin ang kamay sa pandama , tenga sa pandinig, dila sa panlasa at ilong sa pang-amoy.
Sa paglilingkod sa Panginoon dapat bang maging banal tayo upang ganap na masundan ang kanyang mga yapak? Hayaan ninyong sagutin lamang ito ayon sa dikta ng inyong puso.
Kung ililiteral nating uunawain dapat puno ng kalinisan ang ating puso subalit may natitira pa bang malinis ngayon. Sabihin man sa sarili na meron pa datapwat hindi 100% dalisay dahil noon pa man mayroon na tayong namanang kasalanan mula sa ating mga ninuno.
Atin nawang pagsumikapang pakalinisin ang mga ugali at salitang namumutawi sa ating bibig dahil ang tunay na paglilingkod ay nagmumula sa sa ating kaibuturan kung paano natin siya paglilingkuran ng tapat.


