8.03.2005


Kumapit Ka Sa Ipinaglalabang Pananampalataya

Noong ako’y nasa sinapupunan ni Ina
Hiling ko sa ating Dakilang Lumikha
Na sa panganib kami’y mailayo nawa
Dahil ang “Abortion” kumakatok sa tuwina.

Salamat naman ako’y nabigyan ng hininga
Isang buhay na di kayang ipagkaloob ng iba
Na kung tutuusin ang lahat ay hiram sa Kanya
Kaya naman pinagpupugayan ko Siya .

Ngunit ang buhay na ito’y hinahamon ng tadhana
Maging sa paglalakbay kasamaa’y laging nag-aanyaya
Pati na ang tamang daan na nais tahakin sa tuwina
Tila si satanas nakaharang kahit saan ako pumunta.

Kapit kaibigan sa ipinaglalabang pananampalataya
Walang maaring magsabi na ligtas tayo sa panlilinlang nila
Dahil sa bawat galaw na ating ipinapakita
Ang panig ni “Taning “ nakangiti’t laging nag-aanyaya


Sa Ating Mga Kilos, Hinay-Hinay Kaibigan

Buhay natin dito sa mundo’y pakikipagsapalaran
Walang nakababatid kung anong kahahantungan
Kaya naman laging sambit bahala na ang Kaitaasan
Sa mga pagsubok na ating madaraanan.

Sa paglalakbay kakambal nito ang kapighatian
Subalit kung mga balakid ating malalampasan
Kapalit nito ang namamayaning kagalakan
Dahil nagkaroon ang lahat ng kaganapan.

Lumingon tayo sa ating mga pinanggalingan
Ang mata at isipa’y subukang pakibuksan
Huwag din nawang magbingi-bingihan
Dahil bawat isa’ mayroong pananagutan.

Lahat ng nangyayari ay di aksidente kaibigan
Ito’y kagustuhan ng Amang Makapangyarihan.
Nasa ating palad kung paano Siya pasasalamatan
Kaya bawat kilos tayo’y magdahan-dahan.