6.26.2005







KALAYAAN KAYLAN KA BA GANAP NA MAKAKAMTAN?

Kaytagal kong pinag-isipa't pinagnilayan.
Na tunay nga bang malaya na ang Inang Bayan?
Subalit sa aking mga nakikita't napagmamasdan,
Tila ang pag-iling tanging tugo't kasagutan.


Parang kelan lamang kalayaang ipinaglalaban
107 taon na palang ating pinagpupugayan
Paggunita sa paglisan ng mapaniil na Kastilang dayuhan
Na kung saan sa pagiging alipin tayo'y nakalagan.


Kalayaan bang maituturing kung patuloy tayong nangangamuhan?
Sa mga banyagang turing sa sarili'y Diyos-diyosan.
Kapag nagkamali ay bigla na lamang tayong bibigwasan
Dahil iniisip tila tayo'y robot na basta lang sunud-sunoran.


Idilat ang mga mata at ang tenga'y pakibuksan
Pakinggan hinaing ng ating mga kababayan
Wala na bang lunas upang sariling bayan di maiwanan?
At kung may trabahong nakalaan tiyak pagbubutihan.


ANG TAMANG DAAN

Kaibigan hawakan mo aking kamay patungong kalawakan
Damhin hanging kaloob ng Amang Makapangyarihan
Kung anong maramdaman maari ba akong bahaginan?
Dahil sasabihin ko ito sa ating mga kababayan.

Pagmasdan naman natin ngayon ang buong kapaligiran
Batu-bato sa langit nawa'y di natin matapakan
Itong mga taong nagpapakalunoy sa kamunduhan
Tawag ay kopol-kopol dahil sariling pamilya'y tuluyang iniwanan.

Ano na nga ba ang nangyayari sa ating mundong ginagalawan?
Kanya-kanyang siraan at ang inggit ay di maiwasan
May tugon na bang inihanda na dapat sundan?
O baka naman marahil kabilang tayo sa ganitong samahan?

Tsk! Tsk! Tsk! Saan na ba patungo itong ating pamayanan?
Sambayanang nilikha ng Diyos upang lahat ay magtulungan
Datapwat sa kapabayaan tila ang kasamaa'y ating pinapanigan
Na kung susurii't titingnan tila tayo'y napagtatawanan.

Kelan kaya natin tunay na makikita ang tamang daan ?
Isang eskinita na naglalaman ng katotohanan
Bagamat masikip at mahirap matuntunan
Ngunit kung magpupursige malamang ating mapupuntahan.