3.29.2005





Kimberly Nicolle ( IKAW AY ISANG KAGANAPAN )

Supling ka man na maituturing ng sanlibutan
Bigay at kaloob ka ng Amang Makapangyarihan.
Marahil may bahagi kang gagampanan
Dahil sa simula pa’y aginaldo kang inaantabayanan.

Siyam na buwang namalagi ka sa sinapupunan
Ng Ina mong iniwan ng lalaking sana kanyang katuwang
Subalit dahil sa responsibilidad ay may kinakatakutan
Sa di mawaring kadahilanan kayo’y iniwanan.

Saksi ang kapaligira’t klima ng mundong ginagalawan
Kapiling ng Ina ang mga luhang katabi sa higaan
At tanong sa isipan na bakit napahintulutan?
Ng mapagbirong tadhana at kapalaran.

Subalit si Ina’y di nawalan ng pag-asa sa kinabukasan
Hinarap ng buong tapang at tatag dagok na iniiwasan
Kaya naman ang dasal at pananalig na pinakaiingatan
Ito ang naging susi upang ang mapalinlang ay malampasan.

Salamat na lang lahat ay kusang ibinigay ng libre ng Kalangitan
Batid ng lahat na Diyos tanging nakababatid sa bukas na inaantabayan.
At ng iluwal ka ng araw na maituturing na kapanganakan
Ang lahat ay naiyak dahil nagkaroon ng katuparan.



MAY KADAHILANAN AT DI MAITUTURING NA AKSIDENTE
"Hindi pa man tayo nalilikha ay may mga taong nakaantabay na sa atin kung sinong ating magiging magulang at mag-aalaga sa panahong iluluwal tayo sa mundong kagigisnan."

Igala kaya natin ang mga paningin at subukang pagmasdan ang bagay na nilikha’t inukit ng Makapangyarihang Nakababatid. Wala ba tayong napapansin na ang lahat ng ito ay may bahaging ginagampanan sa ating buhay? Kung walang tubig paano kaya matutugunan ang pagkauhaw pagkatapos kumain ng mga solidong bagay? Kung walang pagkain paano na kaya natin masusuportahan ang enerhiya ng ating katawan?

Mahirap ipaliwanag subalit ito ang katotohanan na kahit ang mga batang iniwanan ng kanilang magulang sa bahay ampunan ay di aksidente subalit may bagay na maituturing at dapat nating tandaan na di ito isang kagustuhan ng mga tao at ito’y mayroong mga kadahilanan. Hindi ba’t kaya nga naibahagi sa atin ang Kristiyanismong dala-dala ng mga Kastila ay napadpad sa Pilipinas ang mga kastila na dahil sa paghahanap ng Mollucas Island. Kaya naman ang Pilipinas ngayon ay kilala na sa buong Asya bilang pinakamaraming bilang na mananampalataya.

Sabi ng matatalinong manunulat na ang bawat pangyayari na nagaganap sa ating buhay ay di isang dagok ng kapalaran subalit matagal na itong nakaplano sa palad ng Dakilang Nakakaalam. Kung pinagsarhan tayo ng pintuan ng ating mga kaibigan na kung saan buong akala natin ay sasamahan nila tayo sa hirap na dinaranas subalit ang katotohanan ay mayroon ng nakalaang bukas na bintana para sa atin dahil hindi niya tayo maaring iwanan kahit nga sa bibliya mayroong nakalagay na 365 na katagang “Di kita pababayaan”.

Ang mga taong ating nakakahalubilo sa panahon ng pagdating at pagdalaw ng kalungkutan ay mga instrumentong ipinapadala upang maipabatid sa atin na kailanman sa oras ng kapighatian lagi siyang nakaantabay at nagmamasid. Kaya nararapat lamang na gamitin natin ang buhay sa tamang pamamaraan.

Kahit nga ang pagkamatay ni Kristo sa Krus ay di isang aksidente na dahil sa pagkakanulo ni Hudas ay naipagbili siya sa mga taong tutumuligsa noong unang panahon. Ang mga humampas at lumait sa kanya ay maituturing na kasali sa kuwento ng kanyang paghihirap at kahit sabihin mang nagmamasid lamang ang ating mga ninuno sa panahon ng kanyang pagdurusa ay di ito maaring tanggalin sa kuwento dahil may kadahilanan.

Sa ating mundong ginagalawan walang sinuman ang maaring magsabi na malinis ako at walang bahid na kasalanan at wala ring taong nagnais na maging makasalanan dahil ang kahihiyan ay di na maaring maibalik ngunit kung pagninilayan ay kakambal ito ng pakikipagsapalaran, mahirap mang unawain subalit ito ang katotohanan. Kahit ang mga dakila at bantog na tao ay dumaan rin ng paglibak na kahit di nila ginusto ay kusang nangyayari.

May kadahilanan at hindi maituturing na isang aksidente ang pagkakalikha sa atin dahil may bahaging gagampanan tayo sa mundong ating kinatatayuan. Ayon nga rin sa dalubhasang kritiko kung di ipapakita sa ating ang mga paghihirap marahil di natin maalala ang sakripisyong dinanas ng Bugtong na Anak ng Diyos.

Nawa ngayong natapos na ang Semana Santa ay huwag nating isipin na tapos na rin ang pagdurusa natin dahil sa bawat pag-ikot ng orasan at pagpapalit ng petsa ng kalendaryo ang lahat ng bagay na nangyayari sa atin ay di isang aksidente kundi may kadahilanan.

Kung may mga panahong tayo’y bumabagsak at ang iba’y nakangiti sa ating paghihirap , laging tatandaan sana na ang lahat ng ito’y may katapusan basta huwag lamang tayong bibitaw sa pananampalatayang ipinaglalaban dahil lahat ng bagay ay may kadahilanan at di isang aksidenteng basta na lamang dumating.