9.18.2005





Sino Nga Ba Ang Maaring Maglingkod ?

"Panginoon ituro mo sa akin ang paglilingkod
Tunay at dalisay na walang dapat na nakabakod
At gagawin ito upang maging kalugud-lugod
Para naman pagdating ng araw ako’y iyong maibukod".



Bilang ordinaryong nilalang paano ba natin masasabi na tapat ang ating paglilingkod? Mayroon ba tayong sukatan na laging iniisip parati na sa bawat pagkilos na ginagawa ay maibubulas kaagad na “Tama na ito kalulugdan na ako ng Maykapal”.

Sa ating kapwa kapag tayo’y nagmamasid sa mga taong naglilingkod sa simbahan paano ba natin sinusukat ang kanilang pagiging tapat sa kani-kanilang gawain? Sapat na bang maging pamantayan natin na lagi silang nakikita tuwing Linggo na nakaluhod.

“Maari bang akayin ng isang bulag ang kapwa bulag?” Minsan napapatawa tayo dahil masasambit natin na “Paano kaya iyon kapag sabay na naglalakad baka sabay din silang madapa o di kaya mahulog sa bangin.” Ito ay isang halimbawa ng kuwentong simple subalit malalim ang kahulugan. Dahil para na rin nating sinabi na di maaring umakay ang isang makasalanan ng kapwa makasalanan patungo sa tamang daan.Naglalagay kaagad tayo ng limitasyon at bakod.

Muli nating balikan ang unang kasaysayan. Si Abraham na dating may anak sa labas ay tinanghal na Ama ng iba’t ibang lipi. Si Moises na nakapatay ng isang kawal ay inatasang magligtas sa mga aliping Israelita mula sa kamay ng taga Ehipto.Si San Pedro na sa kabila ng pagtanggi niya sa mga katanungan ng nang-uusig na mga kawal tungkol kay Hesus ay nahirang pang maging tagapagbantay sa pintuan ng Kalangitan. Ang mga makasalanang santo noong unang panahon ay lagi na nating dinadasalan ngayon dahil nakaukit sa ating isipan na tayo’y tutulungan.

Bakit tila nandidiri tayo sa mga kopol-kopolan ? Sa mga nakagawa ng kasalanan bakit ang bilis nating magbigay ng parusa. At bakit kaya na sa halip na ating tulungan at ipaunawa ang tama’t mali ay pilit na lang nating hinahayaan kundi naman pinag-uusapan na walang kalaban-laban. Minsan kapag pumapasok sila sa simbahan agad maglalaro ang ating isipan. Para bang tinatanggalan na natin sila na wala ng karapatang magbago.

Balikan natin ang dalawang bulag. Maari ba silang mag-akayan? Ang sagot diyan ay OO naman dahil mata lang nila ang may deperinsiya at di ang apat na senses dahil maari pa nilang gamitin ang kamay sa pandama , tenga sa pandinig, dila sa panlasa at ilong sa pang-amoy.

Sa paglilingkod sa Panginoon dapat bang maging banal tayo upang ganap na masundan ang kanyang mga yapak? Hayaan ninyong sagutin lamang ito ayon sa dikta ng inyong puso.

Kung ililiteral nating uunawain dapat puno ng kalinisan ang ating puso subalit may natitira pa bang malinis ngayon. Sabihin man sa sarili na meron pa datapwat hindi 100% dalisay dahil noon pa man mayroon na tayong namanang kasalanan mula sa ating mga ninuno.

Atin nawang pagsumikapang pakalinisin ang mga ugali at salitang namumutawi sa ating bibig dahil ang tunay na paglilingkod ay nagmumula sa sa ating kaibuturan kung paano natin siya paglilingkuran ng tapat.

Ang Katotohanan

Sa napakainit na klima ng ginagalawang kapaligiran
Tila mayroong ipinahihiwatig sa ating mga kababayan
Mahirap arukin subalit iisa lamang ang nais ipakahulugan
Na sa bawat kilos at galaw kinakailangang magdahan -dahan.

Nang lisanin ang bansang Perlas ng Silanganan
Mga pangarap ay kasama-sama paglisan sa paliparan.
Luha'y di mabilang dahil saya't kalungkuta’y naglalaban
Kaya naman nasabing Pilipinas ika'y muling babalikan.

Sa matuling paglipas ng panahong di inaasahan
Maraming karanasan dumaan na di maaring kalimutan
Iba't ibang tao nagbigay ng panibagong kaligayahan
Na naging sanhi upang ang pamilya'y talikura't iwasan.

May mga kopol-kopolan na binansagan ng karamihan
Mayroon din namang hirap at kapighatia'y pinaglalabanan.
Dahil ang iba'y ayaw nilang masira buhay na iniingatan
Ang simbahan ginawang pangalawang tahanan.

Muling igala ang paningin sa ating mga kababayan
Subukang hipuin puso ng mga taong nabubulagan
Ibulong sa kanila ang ganap na katotohanan
Na kasalana'y di maaring maghari magpakailanman

8.03.2005


Kumapit Ka Sa Ipinaglalabang Pananampalataya

Noong ako’y nasa sinapupunan ni Ina
Hiling ko sa ating Dakilang Lumikha
Na sa panganib kami’y mailayo nawa
Dahil ang “Abortion” kumakatok sa tuwina.

Salamat naman ako’y nabigyan ng hininga
Isang buhay na di kayang ipagkaloob ng iba
Na kung tutuusin ang lahat ay hiram sa Kanya
Kaya naman pinagpupugayan ko Siya .

Ngunit ang buhay na ito’y hinahamon ng tadhana
Maging sa paglalakbay kasamaa’y laging nag-aanyaya
Pati na ang tamang daan na nais tahakin sa tuwina
Tila si satanas nakaharang kahit saan ako pumunta.

Kapit kaibigan sa ipinaglalabang pananampalataya
Walang maaring magsabi na ligtas tayo sa panlilinlang nila
Dahil sa bawat galaw na ating ipinapakita
Ang panig ni “Taning “ nakangiti’t laging nag-aanyaya


Sa Ating Mga Kilos, Hinay-Hinay Kaibigan

Buhay natin dito sa mundo’y pakikipagsapalaran
Walang nakababatid kung anong kahahantungan
Kaya naman laging sambit bahala na ang Kaitaasan
Sa mga pagsubok na ating madaraanan.

Sa paglalakbay kakambal nito ang kapighatian
Subalit kung mga balakid ating malalampasan
Kapalit nito ang namamayaning kagalakan
Dahil nagkaroon ang lahat ng kaganapan.

Lumingon tayo sa ating mga pinanggalingan
Ang mata at isipa’y subukang pakibuksan
Huwag din nawang magbingi-bingihan
Dahil bawat isa’ mayroong pananagutan.

Lahat ng nangyayari ay di aksidente kaibigan
Ito’y kagustuhan ng Amang Makapangyarihan.
Nasa ating palad kung paano Siya pasasalamatan
Kaya bawat kilos tayo’y magdahan-dahan.

6.26.2005







KALAYAAN KAYLAN KA BA GANAP NA MAKAKAMTAN?

Kaytagal kong pinag-isipa't pinagnilayan.
Na tunay nga bang malaya na ang Inang Bayan?
Subalit sa aking mga nakikita't napagmamasdan,
Tila ang pag-iling tanging tugo't kasagutan.


Parang kelan lamang kalayaang ipinaglalaban
107 taon na palang ating pinagpupugayan
Paggunita sa paglisan ng mapaniil na Kastilang dayuhan
Na kung saan sa pagiging alipin tayo'y nakalagan.


Kalayaan bang maituturing kung patuloy tayong nangangamuhan?
Sa mga banyagang turing sa sarili'y Diyos-diyosan.
Kapag nagkamali ay bigla na lamang tayong bibigwasan
Dahil iniisip tila tayo'y robot na basta lang sunud-sunoran.


Idilat ang mga mata at ang tenga'y pakibuksan
Pakinggan hinaing ng ating mga kababayan
Wala na bang lunas upang sariling bayan di maiwanan?
At kung may trabahong nakalaan tiyak pagbubutihan.


ANG TAMANG DAAN

Kaibigan hawakan mo aking kamay patungong kalawakan
Damhin hanging kaloob ng Amang Makapangyarihan
Kung anong maramdaman maari ba akong bahaginan?
Dahil sasabihin ko ito sa ating mga kababayan.

Pagmasdan naman natin ngayon ang buong kapaligiran
Batu-bato sa langit nawa'y di natin matapakan
Itong mga taong nagpapakalunoy sa kamunduhan
Tawag ay kopol-kopol dahil sariling pamilya'y tuluyang iniwanan.

Ano na nga ba ang nangyayari sa ating mundong ginagalawan?
Kanya-kanyang siraan at ang inggit ay di maiwasan
May tugon na bang inihanda na dapat sundan?
O baka naman marahil kabilang tayo sa ganitong samahan?

Tsk! Tsk! Tsk! Saan na ba patungo itong ating pamayanan?
Sambayanang nilikha ng Diyos upang lahat ay magtulungan
Datapwat sa kapabayaan tila ang kasamaa'y ating pinapanigan
Na kung susurii't titingnan tila tayo'y napagtatawanan.

Kelan kaya natin tunay na makikita ang tamang daan ?
Isang eskinita na naglalaman ng katotohanan
Bagamat masikip at mahirap matuntunan
Ngunit kung magpupursige malamang ating mapupuntahan.

4.14.2005





Ang Kasagutan

Ang takipsilim ay ating pagmasdan
Huni ng ibon sa kapaligira’y pakinggan
Tila may ibinubulong para sa karamihan
Maari ba natin itong pagnilayan?

Sa haba ng gabing dumaraan
Maraming nagbabakasakaling may kasagutan
Sa katanungang dala-dala sa higaan.
Kung ano man iyon maari bang malaman?

Bakit ang sulirani’y kakambal ng kapalaran?
Kahit pilit mang iwasan at layuan
Kusang humahabol ng di namamalayan
Dahil ito raw talaga itinadhana ng Kaitaasan.

Ngunit sa paglitaw ng bukang liwayway sa harapan
Isa-isahin natin ang paglutas sa mga palaisipan
Huwag mangiming magbigay ng kalutasan
Simple man ang sagot subalit may kapupulutan.

Sa matuling pag-ikot ng dambuhalang orasan
Nawa ang mga katanunga’y natugunan
Hungkag man ang ibang kasagutan
Bagamat mayroon tayong natagpuan.






3.29.2005





Kimberly Nicolle ( IKAW AY ISANG KAGANAPAN )

Supling ka man na maituturing ng sanlibutan
Bigay at kaloob ka ng Amang Makapangyarihan.
Marahil may bahagi kang gagampanan
Dahil sa simula pa’y aginaldo kang inaantabayanan.

Siyam na buwang namalagi ka sa sinapupunan
Ng Ina mong iniwan ng lalaking sana kanyang katuwang
Subalit dahil sa responsibilidad ay may kinakatakutan
Sa di mawaring kadahilanan kayo’y iniwanan.

Saksi ang kapaligira’t klima ng mundong ginagalawan
Kapiling ng Ina ang mga luhang katabi sa higaan
At tanong sa isipan na bakit napahintulutan?
Ng mapagbirong tadhana at kapalaran.

Subalit si Ina’y di nawalan ng pag-asa sa kinabukasan
Hinarap ng buong tapang at tatag dagok na iniiwasan
Kaya naman ang dasal at pananalig na pinakaiingatan
Ito ang naging susi upang ang mapalinlang ay malampasan.

Salamat na lang lahat ay kusang ibinigay ng libre ng Kalangitan
Batid ng lahat na Diyos tanging nakababatid sa bukas na inaantabayan.
At ng iluwal ka ng araw na maituturing na kapanganakan
Ang lahat ay naiyak dahil nagkaroon ng katuparan.



MAY KADAHILANAN AT DI MAITUTURING NA AKSIDENTE
"Hindi pa man tayo nalilikha ay may mga taong nakaantabay na sa atin kung sinong ating magiging magulang at mag-aalaga sa panahong iluluwal tayo sa mundong kagigisnan."

Igala kaya natin ang mga paningin at subukang pagmasdan ang bagay na nilikha’t inukit ng Makapangyarihang Nakababatid. Wala ba tayong napapansin na ang lahat ng ito ay may bahaging ginagampanan sa ating buhay? Kung walang tubig paano kaya matutugunan ang pagkauhaw pagkatapos kumain ng mga solidong bagay? Kung walang pagkain paano na kaya natin masusuportahan ang enerhiya ng ating katawan?

Mahirap ipaliwanag subalit ito ang katotohanan na kahit ang mga batang iniwanan ng kanilang magulang sa bahay ampunan ay di aksidente subalit may bagay na maituturing at dapat nating tandaan na di ito isang kagustuhan ng mga tao at ito’y mayroong mga kadahilanan. Hindi ba’t kaya nga naibahagi sa atin ang Kristiyanismong dala-dala ng mga Kastila ay napadpad sa Pilipinas ang mga kastila na dahil sa paghahanap ng Mollucas Island. Kaya naman ang Pilipinas ngayon ay kilala na sa buong Asya bilang pinakamaraming bilang na mananampalataya.

Sabi ng matatalinong manunulat na ang bawat pangyayari na nagaganap sa ating buhay ay di isang dagok ng kapalaran subalit matagal na itong nakaplano sa palad ng Dakilang Nakakaalam. Kung pinagsarhan tayo ng pintuan ng ating mga kaibigan na kung saan buong akala natin ay sasamahan nila tayo sa hirap na dinaranas subalit ang katotohanan ay mayroon ng nakalaang bukas na bintana para sa atin dahil hindi niya tayo maaring iwanan kahit nga sa bibliya mayroong nakalagay na 365 na katagang “Di kita pababayaan”.

Ang mga taong ating nakakahalubilo sa panahon ng pagdating at pagdalaw ng kalungkutan ay mga instrumentong ipinapadala upang maipabatid sa atin na kailanman sa oras ng kapighatian lagi siyang nakaantabay at nagmamasid. Kaya nararapat lamang na gamitin natin ang buhay sa tamang pamamaraan.

Kahit nga ang pagkamatay ni Kristo sa Krus ay di isang aksidente na dahil sa pagkakanulo ni Hudas ay naipagbili siya sa mga taong tutumuligsa noong unang panahon. Ang mga humampas at lumait sa kanya ay maituturing na kasali sa kuwento ng kanyang paghihirap at kahit sabihin mang nagmamasid lamang ang ating mga ninuno sa panahon ng kanyang pagdurusa ay di ito maaring tanggalin sa kuwento dahil may kadahilanan.

Sa ating mundong ginagalawan walang sinuman ang maaring magsabi na malinis ako at walang bahid na kasalanan at wala ring taong nagnais na maging makasalanan dahil ang kahihiyan ay di na maaring maibalik ngunit kung pagninilayan ay kakambal ito ng pakikipagsapalaran, mahirap mang unawain subalit ito ang katotohanan. Kahit ang mga dakila at bantog na tao ay dumaan rin ng paglibak na kahit di nila ginusto ay kusang nangyayari.

May kadahilanan at hindi maituturing na isang aksidente ang pagkakalikha sa atin dahil may bahaging gagampanan tayo sa mundong ating kinatatayuan. Ayon nga rin sa dalubhasang kritiko kung di ipapakita sa ating ang mga paghihirap marahil di natin maalala ang sakripisyong dinanas ng Bugtong na Anak ng Diyos.

Nawa ngayong natapos na ang Semana Santa ay huwag nating isipin na tapos na rin ang pagdurusa natin dahil sa bawat pag-ikot ng orasan at pagpapalit ng petsa ng kalendaryo ang lahat ng bagay na nangyayari sa atin ay di isang aksidente kundi may kadahilanan.

Kung may mga panahong tayo’y bumabagsak at ang iba’y nakangiti sa ating paghihirap , laging tatandaan sana na ang lahat ng ito’y may katapusan basta huwag lamang tayong bibitaw sa pananampalatayang ipinaglalaban dahil lahat ng bagay ay may kadahilanan at di isang aksidenteng basta na lamang dumating.

1.24.2005


Magising Tayo sa Katotohanan

Tila kaytagal dumating ng umagang inaantabayanan
Kahit batid ko ang magiging kahihinatnan
Pilit pa ring iniisip na maaaring maayos ang kalagayan
Kaya sambit sa sarili nawa'y ako'y Kanyang magabayan.

Bulong noon na magsanib man ang lupa't kalangitan
Hindi ko magagawang ibigay ang kapatawaran
Dahil sa nilikhang pilat na di makakalimutan
Itinanim ko ito sa puso hanggang kalalim-laliman.

Subukan nating balika't hagkan ang nakaraan
Kalakip magagandang pinagsamaha't pinagsaluhan
At buong akala natin na ito'y walang katapusan
Na naging dahilan upang patawan tayo ng kaparusahan.

Di ba't ikaw ang unang gumawa ng kasinungalingan?
Kahit batid mong labag ito sa ating kasunduan
Ipinagpatuloy pa rin ginagawang pagtatakip sa kamalian
Kaya nausal ko agad na ako'y iyong pakawalan.

Kalasin mo ang taling nag-uugnay sa ating kasalanan.
Pakiabot ng awa't katahimikan sa aking puso't isipan
Kung puwede nga lamang lumayo ka sa aking harapan
Dahil pagsasama sa iisang bubong puno ng kahungkagan.

Patawarin nawa ako kung hihingii'y kapayapaan
Ayaw ko ng matulog na konsensiya'y sinusumbatan.
Ang pamilya mo sa Pinas na iyong nilisa't iniwanan
Kumakatok na sila'y laging umaasang iyong babalikan.