Dahil sa pagkakaubos ng mga puno sa kapaligiran
Panaghoy ng ating inosenteng kababayan ay pakinggan.
Mga ibinigay na libreng likas na yaman ng kalikasan
Sinira ng mga taong sa salapi’y gahaman.
Tingnan natin ang nangyayari sa kasalukuyan
Kung hindi gigisingin ng Kaitaasan ang taumbayan
Tila di mamumulat sa kanilang kapalpakan
Kaya naman tanong ay “Paano ka na Inang Bayan?”
Sino ba ang dapat sisihin sa ganitong kalagayan?
Ang pamahalaan na laging magaling sa daldalan
O baka naman maimpluwensiyang tao na puno ng yaman
Na kahit pagsabihan lagi pa ring nilalabag batas ng mamamayan.
Ngayon kabayan pagmasdan kanilang kinahahanatungan
Daan- daang nilalang inagaw ni Kamatayan.
Kung personal lamang nasaksihan kanilang pinagdaan
Marahil baka patak ng mga luha ang tanging kasagutan.
“GUMISING TAYO AT HARAPIN ANG KATOTOHANAN”
Kapag sumasapit ang buwan ng Disyembre di maiwawasan na sa tuwing pagbabasa natin sa mga nilalaman ng mga pahayagan at iba pang babasahin ay tungkol sa paghahanda at pagdating ng kapaskuhan. Hindi rin maiwawaksi na sa bawat pagbubulay sa mga nababasang kuwento ay bigla nalang na papatak ang mga munting likidong kristal na nagmumula sa ating mga mata sa di maipaliwanag na kadahilanan.
Subalit sa sinapit ng ating ibang kababayan na mula sa Luzon dahil sa trahedyang nilikha ng bagyong “Winnie at Yoyong” , makakaya pa ba nating magsaya sa panahong ito? Magagawa pa ba nating sumubo ng keso de bola at hamonadang malasa na nakahanda sa hapagan para sa noche buena? O baka naman susundin natin ang kasabihang “Kahit ano pang mangyari tuloy pa rin ang pagdiriwang ng kapaskuhan”.
Huminto tayo ng bahagya, igala ang paningin sa kapaligiran, subukang langhapin ang preskong hanging kaloob ng kalikasan, ipikit ang mga mata ng ilang sandali at paliparin ang isipan sa pakikipag-usap sa “Tanging Nakababatid ” Itanong natin sa Kanya kung bakit hanggang ngayon patuloy pa rin tayo na humihinga at nakikipagsabayan sa agos ng kapalaran.
Habang pinanonood ko ang balita ng 24 Oras ng channel 7 na galing sa Inquirer.net tila bumalik sa aking isipan ang karanasang makaengkuwentro ng malakas na bagyo noong ako’y nag-aaral pa sa mataas na paaralan sa lalawigan ng Cebu . Ang lungkot ay namayani ng di ko mapigilan dahil ang kasalukuyang bagyo ay higit na malakas ang hatid nito sa kababayan nating taga Luzon, lalung-lalo na sa mga taga Real Quezon Province.
Ang pag-iling ng ulo ay di maiwasan dahil maraming katanungan ang bumabagag sa aking puso gaya ng ; Ano na ba ang nangyayayari sa ating Bayang Sinilangan? Matapos ang mga eskandalong kinasasangkutan ng mga taga AFP( Armed Forces of the Philippines) tulad ng corruption, gender issue, at pagtuturok ng mga expired na gamot sa mga sundalong sugatan na di batid ng gobyerno at ang latest ay isang matalinong cadet graduating student na nag-aaral sa isang tanyag na paaralan sa Estados Unidos ay nahuling nagnanakaw sa isang Department Store.
Ngayon naman ay ang hagupit ng kalikasan ang nasasalubong ng ating ibang kababayan. Dahil ba sa abusong illegal logging ang dapat sisihin o ang ating pamahalaan na mismo? Marahil baka naman may nais ipahiwatig ang pangyayaring ito sa bawat isa sa atin. Mahirap manghula subalit tanging batid lamang na panibagong katok at pakiusap ng Tanging Nakakalaam kung ano ba ang wastong gagawin sa ating buhay na hawak sa kasalukuyan. Isang bagay ang bumagabag sa akin sa panonood ng balita sa internet na may ini-interview ang reporter ng GMA 7 na bakit namumutla ang tinatanong at ang tugon niya’y “Kahit mayroon akong perang nakatago subalit walang mabiling pagkain at 24 oras na hindi pa kumakain dahil sa pinsalang nilikha ng bagyo walang mabiling pagkain at salat sa tubig “.
Kung tutuldukan natin ang pagninilay na ito maari bang isama ang mga dasal na ito upang mapagbulayan hindi lamang ngayon kundi maging sa hinaharap.
"Panginoon batid namin
na ang mga hagupit ng kalikasan ay isang pagsubok at paraan
upang makita naming lubusanang kulay at anyo ng buhay.
Subalit naniniwala rin kami na sa mga pagsubok na iyan
ay lagi kang nakaantabay sa lahat ng oras
upang saklolohan kung di na namin kayang gapiin
ang mga hilahil na dumarating .
Dahil diyan ganap mong napagkakaisa ang Sambayanan