11.30.2004



"PAGDAMAY SA KAPWA"
PINAKAMAGANDANG AGINALDO SA PANAHON NG KAPASKUHAN

Tila nangangamoy na naman ang mga nagsasarapang pagkain para sa noche buena na laging inihahanda ng ating mga magulang sa tuwing paparating ang panahon ng kapaskuhan. "Keso de bola , hamonada, iba't ibang uri ng prutas" at higit sa lahat ang mataginting na halakhakan kapag nagkakaisa sa araw na ito.

Parang kelan lamang tila napakabilis lumipad ng mga araw at sa masusing pagmamasid ko sa kapaligaran ay nagbabagsakan ang mga kulay dilaw at pulang dahon na sanhi ng panahong "Taglagas" at kung palalalimin ang pagmamasid ay ang mga kapwa natin nilikha ay abala sa paghahanda sa pagsalubong sa kapanganakan ng Dakilang Tagapagligtas.

Ilang tulog na lang at ang pinakaaantabayanang pinakamahalagang pagdiriwang sa pagtatapos ng taon ay malapit ng dumating. Dati-rati sa pagsasabuhay sa tradisyunal na kasiyahang ito ay gaya ng nakagawian ang pagbabalot ng aginaldo, paghahanda ng mga masasarap na pagkain at laging pagpupuyat at pagpunta sa simbahan sa siyam na gabing pagsalubong sa Hesukristong Bugtong na Anak, bilang panata ng iba.

Katukin ang ating mga puso' t isipan at sabay tanungin " Sapat na ba ito upang maging kalugod-lugod tayo sa paningin ng Tagapagligtas?" Pansamantala ay huminto ng ilang sandali at humarap sa salamin " Sapat na bang tayo lamang ang masaya at nasasarapan samantalang ang mga taong ating nasaktan ay bahala na sila sa buhay nila?" Minsan sasabayan pa ng pagbubulas na "kasalanan nila iyon sila ang may hawak ng kanilang buhay".

Totoo nga bang tayo ang may hawak ng manibela kung saang dako natin dadalhin ang sasakyang ginagamit (buhay ) at kung sakaling magkamali ng pagpreno ay walang ibang sisihin kundi tayo na rin mismo.O baka naman ito'y haka-haka lamang ng mga taong mahilig sa kasabihang "Mind your own business"

Sabi ng mga matatalinong nilalang na 50% lubos ang kanilang paniniwala na hawak ng tao ang pagkokontrol sa kanyang buhay. Datapwat ayon naman sa ibang paham na hindi sa lahat ng pagkakataon tayo ang nagdidikta sa ating isipan, mayroong mas makapangyarihang tanging nakakalaam kung saan talaga tayo patungo.

Araw-araw ay may iba't ibang uri ng karanasan ang ating nasasalubong minsan ang naranasan natin ay mararanasan pa lamang ng iba diyan o kundi naman ay magiging bato na lamang tayo kapag napakinggan na ang kasalukuyang suliraning kinahaharap ng ating kapwa ay katulad din ng suliraning ating naranasan noon at dahil sa takot na mabatid na nagkaroon ng ganoong problema ay tatalikuran na lamang ang taong nangangailangan ng karamay.

Sa kasalukuyan laging abala tayo sa pag-iisip kung anong materyal na aginaldo ang ating dapat ibigay sa mga taong ating kakilala subalit napakaganda sanang isipin kung ang ating pinag-tutuunan ng pansin kung ang regalong nakahanda ay ang pagtugon sa mga taong may malalim na suliranin sa buhay. Huwag nating gayahin ang ginawa ng tatlong may ari ng bahay na pinuntahan ng pamilyang Maria at Jose na pawang kabiguan ang kanilang natanggap kaya napadpad sila sa sabsaban ng mga hayop.

11.28.2004


Sa Muling Pagbabalik


Ang panahon ay matuling nagdaan
Mga dahon sa puno'y naglalagasan
Pati bahaghari'y biglang nagbago ng kaanyuan
Napapailing ako dahil nakaraa'y di makalimutan.

Sinikap kong hanapin panibagong kapalaran
Nagkubli upang makamit ang kapayapaan.
Kahit sa bahay na lang nanalangin sa Kalangitan
Ang anino ng simbahan laging pumapasok sa isipan.

Ayaw ko ng magsalita ng may mga nasasaktan
Nagbibingi-bingihan upang kasalana'y di mapatulan
Subalit pag-iwas ay di tamang kasagutan
Dahil mayroon pang ipapagawa ang Kaitaasan.

Akala ko noon ang mga inaasahan
Ay tutulong sa akin kung haharangan ang daan
Subalit iyon pala'y isang akalang di kayang iwaksi sa isipan
Na magdudulot ng katanungan sa tuwing hihiga sa higaan.

Kaya ngayon ang pagkilos ay tuluyan ng patutunayan
Kahit magsimula sa kailaliman ng buong kadalisayan
Pag-usapan man ng ibang tao aking katayuan
Marahil bahala na sa kanila ang Amang makapangyarihan


"MAITANIM NAWA ITO SA ATING ISIPAN"

Isa sa pinakamagandang bagay na napapaloob sa atin bilang ordinaryong nilalang ay ang pagiging matulungin sa kapwa. Laging handang tumugon kung mayroong kababayan nating nangangailangan ng gabay at pag-akay sa tamang daan. Likas na talaga sa atin ito at di na kailangan pang pagtalunan.

Ngayong araw na ito ay gaganapin ang isang pinakamahalagang pagtitipon ng taon at ito ang General Assembly ng mga volunteers. Dito hindi natin maaring tanungin kung lagi bang nakakadalo sa lingguhang gawain ang bawat isa subalit sa halip ay maari nating tanungin at katukin ang ating puso kung umuunlad ba tayo sa ating ipinaglalabang pananampalataya at lalo ba tayong tumatatag sa pagsunod at pagtalima sa ipinag-uutos na hango sa mga doktrina at aral ng simbahan.

Ang paglilingkod sa simbahan ay isang hamon kung paano natin higit na pinauunlad at isinasabuhay ang pagmamahal sa kapwa ng walang hinihintay na kapalit. Sabi nga nila noon may tatlong 'T's na dapat isipin sa paglilingkod , kasama dito ang "Talent, Time at Treasure"

Datapwat habang tumatagal kapag bukal sa loob ang paglilingkod mayroong tayong di dapat makaligtaan at ito ang pagiging totoo sa sarili "Truthfulness". Kung pagbubulayan natin ang nabanggit na kataga nararapat lamang marahil na mauna ito dahil ang paglilingkod ay di sapilitan , dapat walang pag-aalinlangan at walang elementong sagabal.Naniniwala ako na kung mauuna ang katagang Truthfulness agad susunod at madaling mailalabas agad ang Talent, Time at Treasure.

Ang Diyos na ating pinaglilingkuran ay katulad ng panday na gumagawa ng mga espada , upang maging kapakipakinabang at maasahang sandata tayo, kinakailangang lagi tayong idinadarang sa init , ibig sabihin nito na ang mga sagabal at hilahil na ating nadadaanan ay mga pagsubok upang maging maayos tayong tagasunod Niya. Subalit siya lamang ang tanging nakababatid kung gaano kabigat ang krus na kanyang ipinapasan sa atin.
Ang pagiging volunteer sa simbahan sa Korea ay minsan lamang dumaraan subalit nawa makapag-iwan tayo ng ala-ala sa ating kapwa migrante na sa pag-usad ng panahon ang buhay nati'y naging kapakipakinabang sa Sambayanan, ngunit kung ang volunteer ay dinaanan ng pagsubok sana tayong mga nagmamasid ay ang mga
taong dapat na maunang umunawa sa halip na tayo mismo ang magkokondena sa kanila.

Marami rin ang nagsasabi na ang bawat isa ay may kanya-kanyang pamamamaran sa paglilingkod sa Diyos Ama . Hindi nga sila naglilingkod sa simbahan subalit ang pagiging matulungin ay di naman nakakaligtaan. Kung ang isang ordinaryong nilalang ay nagpakita lamang ng pangkaraniawang talent upang mapasaya ang kanyang kapwa sa panahon ng pag fund raising , marahil sapat na ito sa paningin ng Diyos dahil kahit kelan walang timbangan ang Diyos upang sabihin niyang mas mauuna sa langit ang mga may pinakamalaking nagawa sa simbahan.

Tayong mga volunteers dapat nating isipin walang tunay na kandidato upang maging ganap na santo ang isang karaniwang tao. at kahit kelan ang pagtahak patungo sa Kalangitan ay isang pakikipagsapalaran na laging kaagapay ang Diyos.

ANG INAANTABAYANAN

PARANG KAILAN LAMANG AKING INAANTABAYANAN
PASKONG HINIHINTAY PAPARATING NA NAMAN.
REGALONG LAGING ITINATAGO'T INILALALAAN
TILA KAYSARAP NG IBIGAY SA TAONG HAHANDUGAN.

SUBALIT TATANGGAPIN NAMAN KAYA ITO NG AALAYAN
O BAKA NAMAN ISIPING MAGHIHINTAY AKO NG KABAYARAN.
DAHIL SA TAGAL NA PINAHIWALAY NG KAPALARAN
NA NAGING DAHILAN UPANG MAPUTOL PAKIKIPAG-UGNAYAN.

ARAW AT GABI'Y MATULING NAGDAAN NG DI INAASAHAN.
ANG KLIMA'Y NAGPALIT NG DI KO NAMAMALAYAN.
NGUNIT BIGLA NA LAMANG BUMALIK SA PANAGIMPAN
NANG ANG MUNTING NIYEBE'Y MULING NAGBAGSAKAN.

DAHIL SA PAGSULPOT NG BAGAY NA ITO SA KAPALIGIRAN
UNTI-UNTING GUMUHIT SA AKING MUNTING ISIPAN
NA BAGO DARAAN ANG PASKONG PINAGHAHANDAAN
SIMBANG GABI MUNA ANG DAPAT PAGTUUNAN.

SIYAM NA GABING PAKIKIPAGSAPALARAN
MAY NAIS IPAHIWATIG SA ATING MAMAMAYAN.
KAHIT DI MAKAKARATING DAHIL MAY PINAGKAKAABALAHAN
NAWA MAG-ALAY NG PANALANGIN SA TAHANAN.