WALANG KINAKAMPIHAN
Muli kong pinakiramdaman ang kapaligiran
Iginala ang mga mata tungo sa isang daraanan.
Tila di kayang itago ang napagmamasdan
Dahil ginugulo sa pag-aanalisa itong isipan.
Mahirap magbigay ng tugon kung puno ng kakulangan
Nakakalito kung basta –basta na lang daragdagan.
Mga suliraning sagot ay di makita’t matagpuan
Marahil mayroong nais ipakahulugan sa karamihan.
Buhay ay puno ng pag-aalinlangan kung nakikipagsapalaran
Hindi batid kung tayo’y madadapa sa pakikipagsabayan.
Kahit sabihin pa nating tayo’y puno ng karunungan
Ngunit huwag padalus-dalos baka ika’y matyempuhan.
Tunay nga bang kapag problema ika’y kinapitan
Ang lahat ng Santo iyong tinatawagan
Huwag lamang igupo, kasalana’y agad pinagsisihan
Dahil batid mga darating na kaparusahan.
Huwag magtaka paminsan-minsan o sa kadalasan.
Tayo rin di ligtas kung may mga pag-aalinlangan
Kahit ibulalas na di ka maaring dapuan
Subalit di ito nararapat na gawing batayan.


