6.20.2004

ANG DEMOKRASYA AT ANG ATING PANANAMPALATAYA


Napakasuwerte ng bansang Plipinas dahil ang sistema ng gobyerno ay napapabilang sa uri ng demokrasya. Kahit sabihing di ito kasing direct ng Amerika datapwat napakarami namang tinatamasa. Sa katunayan ang kalayaan sa pagpili ng relihiyon ay isang palatandaan na ganap na nangingibabaw ang demokrasyang matagal na ipinaglaban.


Subalit dahil sa katagang demokrasya , nagagawa ng ibang tao na magpalit ng ilang ulit ng relihiyon dahil kung sila ang tatanungin ,walang gatol na itutugon na di pa nila ganap na nakikita ang tunay na kaligtasan.

Kahalintulad ng iba't-ibang sistema ng gobyerno, mayroon itong tinatawag na advantages at disadvantages. Gaya halimbawa kapag tayo'y may nais iwasan madali nating nasasabi na "Ayoko na!" sa relihiyong nakagisnan. Minsan nga kapag batid na may nakukuhang materyal na bagay tulad ng libreng bigas, okey lang lalo't kapag kasama ang kopol at katanggap-tanggap sa samahan. Ano pa nga ba ang dapat pang hanapin na samantalang di naman ito kayang ibigay ng relihiyong tinalikdan.

Subalit di maiwawaksi na maraming katanungan ang bumabagabag katulad halimbawa ng ; Bakit napakaraming tao ang kayang magbuwis ng buhay kung ang demokrasya ay pilit binabawi sa ating kamay? Bakit kaya ng iba na harapin ang panganib kung alam nilang tila ang demokrasya ay tinatapakan. Samantalang mabibilang sa ating mga daliri ang mga taong nagsakripisyo upang maipaglaban ang pananampalataya.

Ano nga ba ang kaibahan ng demokrasya sa pananampalataya? Ayon sa mga matatalinong tao ang salitang demokrasya ay nangangahulugan ng tinig ng mayoriyang Sambayanan subalit kapag nakikita't napapansin na mayroong nais baguhin kaagad itong pinag-uusapan sa kadahilanang hindi kontento sa pamamalakad at kung sa trabaho ay kaya nating magpalit ng ilang ulit sa pananampaltaya ay kakaiba.


Simula pa noong unang kasaysayan ng mundo ang pananampalataya natin ay laging sinusukat,
sa katunayan napakaraming halimbawa ang maaring matagpuan sa bibliya upang ganap na maunawaa't maintindihan ang salitang nabanggit.Tunay na kakambal na ng ating buhay ang pananampalataya. Dahil sa nakagisnang pananampalataya nagagawa nitong baguhin ang maling nakikita at di makatarungang gawain ng masasamang nilalang.

Bigyang pansin natin ang di mapantayang kasaysayan ng Edsa Revolution, dahil sa pananampaltaya kaya nagawang mapatalsik ang taong diktador na namuno ng 20 taon at nakamit ang demokrasyang minimithi.

Nawa huwag malito ang bawat isa na dahil sa pananampalataya kaya natin nagagawang ipaglaban ang tama at dahil na rin sa katagang ito nagkakaroon ng kaganapan ang demokrasyang minsa'y inagaw ng mga taga Ehipto sa mga mamamayang Israelita.






"GALING NG FILIPINO SA MATATAG NA REPUBLIKA"

"Kahit saan , kahit kailan
Kapag galing at talino ng Pinoy pinag-uusapan
Taas noong iwinawagayway ang noo sa Sambayanan
Dahil ipinababatid na ito'y nagmula sa lahing puno ng katapangan."


Likas sa bansang Pilipinas ang biyayaan ng mga lahing may katangiang natatangi at kakaiba sa buong mundo, dahil di maiiwasang marami ang nagtatanong na sa dinami-dami ng nag-audition para sa papel na Kim sa Miss Saigon ay napunta kay Leah Salonga at maituturing na sariling atin.

Dalawang nakakagulat na balita noong taong 1969, isa rito ang kauna-unang pagtuntong ng tao sa buwan at ang ikalawang balita ay nagdulot ng kagalakan sa mga mamamayang Filipino dahil nagmula sa bansang Pilipinas ang nagwaging Miss Universe na walang iba kundi si Gloria Diaz.

Sino ba naman kaya ang maaring makalilimot sa mga pangalan ng ating mga bantog na bayani sa larangan ng pampalakasan na naghatid ng karangalan sa ating bayan tulad nina; Eugene Torre, Paeng Nepumoceno, Flash Elorde, Efren Bata Reyes, Lydia De Vega at Manny Pacquiao.

Ang mamamayang Filipino ay napakaraming maaring maipagpunyagi at maipagmalaki sa buong daigdig hindi lamang dahil sa ito'y nakapagtapos sa mamahaling pamantasan o nakapag-aral sa ibang bansa. Sino ba ngayon ang may napakalaking naiambag sa umuunlad nating ekonomiya? Hindi ba't ang tinaguriang "Bagong Bayani" ng ating bayan at kadalasang tawag ay OFW"s.

Ang mga bagong usbong na Filipino sa kasalukuyan ay maituturing na pag-asa ng susunod na salinlahi, sila ang puwedeng maging tulay tungo sa bagong bukang -liwayway na kahit batid ang hirap na dadanasin ay pilit pa ring sumusuong.

Sinubukan na bang itanong ng bawat isa sa atin kung saan nanggagaling ang pambihira, kakaibang lakas at natatanging kakayahan na naging dahilan upang taas noong iwagayway ng ating mga kababayan ang bandila tungo sa paglago ng ating bansa?

Ang hawak nating pananampalataya ay isang tunay na simbolo na dahil sa katagang ito napakaraming nilalang ang nagpakamartir at kailanman di nila pinanghinayangang ibuwis ang buhay tungo sa kaligtasan.
dahil rin sa salitang ito nagkaroon ng kaganapan ang ipinagpupugayan upang malinang ang galing na namamahay sa ating puso't isipan tungo sa isang matatag na republika.

Ang dakilang halimbawa na galing ng Filipino na di kayang pantayan ay ang pagkakaisang minsa'y ipikita at ipinabatid sa buong mundo na dahil sa malakas na pagdadamaya't pagpagmamahalan ang makasaysayang Edsa 1 ay napabilang sa Guiness Book of record dahil simbolo ito ng isang mapayapang rebolusyon ang nakita ng sangkatauhan.

Mula noong 1898 hanggang sa kasalukuyang panahon kahit sabihin nating di maiiwasan na ang Pinoy ay mahilig magbangayan datapwat sa panahon ng kahigpitan at paniniil ng mga dayuhan ,
kadalasan nabibigla ang mga banyagang hilig ay mang-alipin at dahil dito napagbubuklod ang galing ng Pinoy para igupo ang puwersang mapang-api.
"Mga Ordinaryong Nilikha
Subalit Lalaking Napakadakila"


Kailan kaya natin nabigyan ng kasiyahan ang ating mga itay sa panahon ng taunang pagdiriwang ng mga ama? Kailan naman kaya naibulong at naipaabot sa kanila na "Salamat sa pagiging matatag na haligi sa panahon ng ating panghihina at pananamlay."

Subukang igala ang paningin at pagmasdang mabuti ang mga taong katabi sa panahon ng pagsamba sa Diyos. Mayroon bang pagbabago? Sila pa rin ba ang mga taong katabi natin noon?
Ang mga kaibigan nating naging ama ay patuloy pa rin ba sa pagiging responsable gaya ng ating pinakamamahal na Itay?

Ano nga ba ang tunay na kahulugan ng isang ama? Anong katangiang mayroong taglay ang nilalang na ito na sa kabila ng ating pagkakasala ay nagagawa pa rin niyang tayo'y patawarin. Kaya naman ayon sa mga matatalinong tao ang ama ay may kanya-kanyang ugali, katangian na maaring maipagmalaki.

Sino nga ba ang maaring lumimot sa kanyang kabutihang loob na sa panahon ng ating pagkakadapa ay agad siyang sasaklolo at sa oras na kailangan natin ang kanyang mga kamay na gagabay sa atin kung sakaling tayo'y naliligaw ng landas, sila na mga dakilang ama ay agad tatakbo at kakalungin niya tayo sa kanyang mga mapagmahal na palad.


"Dahil ipinakita sa amin ang kulay ng kapaligiran.
Mayroon pa bang hihigit sa iyong kadakilaan?
Salamat sa iyong kabutihan
Kaya naman ika'y nararapat na parangalan."

Ilang ama kaya ang nagtitiis ng lungkot sa ibayong dagat upang mabigyan lamang ng magandang kinabukasan ang mga iniwang anak sa Pilipinas. At ilang butihing ama naman kaya ang pilit nakikipaghabulan sa panahon para lubos nilang makapiling ang pamilyang umaasa sa kanyang kinikita na kahit puyat sa pagtratrabaho sa gabi ngunit kapag iniisip na mayroong naghihintay ito'y ginagawang umaga.

Sabi nga ng matatalinong tao, sila'y haligi ng tahanan na dapat sundan ng mga susunod na salinlahing magiging ama ng hinaharap. Sila ang mga tunay na puno na dapat mamunga ng natatanging prutas upang sa pagdating ng maaliwalas na bukang liwayway ay maihabilin ang magandang kulay ng bahaghari.

"Ngayong naipaabot ko sa iyo ang tunay na nilalaman
Huwag mag-alala dahil kasali ka sa dasal sa kalangitan
Asahang ang gintong pangaral na itinanim sa isipan
Ay magsilbing kayamanang aming panghahawakan."