Ang Taong 2004 Ay Huwag Katakutan
Ang pintuan ng 2003 ay magpipinid kabayan!
Mayroon ka na bang ginawang listahan?
Ng mga dapat baguhin tungo sa kasalukuyan.,
O baka marahil sinusumpong ng katamaran.
Alam mong panibagong kabanata’t pakikipagsapalaran
Ang iyong maeengkuwentro sa taong daraan
Kaya pakiusap maling nakagawian huwag balikan
Upang umunlad ng ganap iyong katauhan.
Katulad mo, ako rin ay makasalanan.
Minsan nangangako, minsan din tinatalikuran
Batid kong di natin ito sinasadya ng lubusan
Dahil kamalian ay pilit nating iniiwasan.
Sa pagbubukas ng 2004 na tila pintuan.
Handa nawa tayo sa mga makakasalubong sa daan
Higpitan lamang pananalig saAmang Makapangyarihan
Para di manghinayang ipinundar sa kinabukasan.
Ngayon igala ang paningin sa kapaligiran
Huwag matakot sa panganib na nararamdaman
Minsan ka nang sinubok ng kapalaran
Kaya naman buhay mo’y pakaingatan.
KAILAN TAMA ANG MALI ?
Totoong maraming katanungan ang di kayang abutin ng ating isipan. Hindi ba't noong maliliit pa tayo na maaring maihalintulad sa mga batang walang alam sa mundo ay laging nagtatanong ng mga bagay-bagay na mahirap sagutin. Kung ating napapansin kahit sa ating paglaki tila pilit pa ring bumabalik ang ugaling mapagtanong. Marahil di naman siguro masama kung paminsan-minsan ang itatanong ay napapanahon at higit sa lahat kung nais lamang malaman na bakit may mga bagay na ganoon ang ating napagmamasdan.
Dito sa Korea marami rin akong naging kakilala at nakahalubilo, kadalasan mga magkakapatid na ang pagsasamahan ay di mapantayan. Kahit nga di sila katulad ng aking relihiyong nakagisnan ay bukal sa loob kong pinakikisamahan at sagot nama'y iisa lang ang ating sinasamba. Datapwat sa kabila ng pagiging malapit sa mga taong nabanggit di ko maiwasan ang maitanong sa sarili na bakit ang magkakapatid na ito ay may mga kopol. Kung ang dahilan ay nalulungkot maari namang mag-usap sila at magkwentuhan sa panahon ng bakasyon at kung may sapat na panahon sa isa't isa puwede silang maglabasan ng kanilang pagmamahal sa kanilang magulang.
Hindi ba't kaya nga mayroon tayong mga kaagapay dito sa Korea ay upang di maligaw sa maling landas. Subalit bakit magkakapatid ang gumagawa ng ganitong kamalian? Sabi nga nila ang bawat isa ay may kanya-kanyang kuwento at kasaysayan kung paano nila nakilala ang kanilang kinakasama. Kung susubukang aanalisahin tiyak kong mapapailing na lang tayo.
"Matatawag ba nating sila ay biktima ng mapaglarong tadhana o kusang loob nilang pinasok ang ganitong pamumuhay? "Iiwan ko sa inyo ang tugon at baka kayo malito !
Sa kabilang dako naman ay mayroon ding madalas nating itanong bakit kaya katatapos lang ng taong nakitang iniwanan ng kopol dahil pinauwing buntis datapwat wala pang isang buwan ay may kapalit na naman. Hanap ba nito ay katuwang sa buhay, nagbibilang ng mga panganay o baka naman pinatutunayan ang kanyang pagkalalaki na dahil sa tikas at tindig niya'y madali siyang makakakuha kaagad ng kapalit.
Ang kasalanan ay napakadaling gawin dahil batid nating sa kabila ng ating patuloy na paglabag sa kautusan ay bukal sa loob pa rin tayong patatawarin ng Diyos. Minsan nga sagot ng gumagawa ng ganitong kamalian na ang Diyos lamang ang maaring magsabing " TAMA NA !"
Sa makabagong panahon, hindi na alam ng tao kung mali ba ang kanyang ginagawa, basta tanging batid niya na masaya siya ngayon at saka na haharapin ang bukas. Kaya naman kahit sa pagpunta ng simbahan ay masaya itong naghihintay sa paglabas ng kinakasama na galing sa loob ng misa. Hindi makapasok dahil nahihiya na makita ng mga kasamahan at baka mapulaan. Hindi naman sa pakikialam, sinubukan na bang naitanong ng bawat isa na hanggang kailan ang patuloy na paglubog sa kasalanan? Batid ko ring kapag nabasa ito ng mga taong natamaan ay tiyak na walang tigil sila sa paghahanap ng butas sa manunulat at sasabihin na "Manalamin ka muna !!!" Kaya ang nangyayari sa halip na magnilay, ang ginagawa ay itsismis na lang at ipagkalat ang kahinanaan ng manunulat.
Kailan kaya tama ang mali? Marahil kung ang taong nagkasala ay patuloy pa rin nating sinasabihan na huwag kang mag-alala dahil maiiintidihan ka ng tanging nakakabatid sa batas ng Panginoon. Ilagay man natin sa ating sariling interpretasyon ang pag-aanalisa sa mga kautusan ay maituturing na kasabwat tayo sa kanyang pagkakasala. Kaya nga nakakatakot dahil sa mabilis na pagpasok sa ganitong uri ng kasalanan ay papasok din dito ang madaling desisyon na kitilin ang bunga ng maling pagsasama (aborsiyon).
"AKALA KO NAKAWALA NA AKO
SA IYONG ALA-ALA"
SA DINAMI-DAMI NG NAPUNTAHANG BAYAN
AT SA IBA'T -IBANG MUKHANG NAPAGMAMASDAN.
TILA ALA-ALA MO'Y HINAHABOL AKO NG TULUYAN
DAHIL PATULOY PA RIN KITANG INAASAHAN.
NOON BAGO LUMISA'Y NANGAKONG DI KITA
BABALIKAN
SINABI SA SARILING TULUYAN NANG KAKALIMUTAN.
SUBALIT ANG ANINO NG ATING PAGMAMAHALAN
TILA BUMUBULONG NA DI ITO KAYANG PANTAYAN.
MAHAL. DATI-RATI ANG ATING PINAGSAMAHAN?
MARAMING BALAKID HUMAHARANG SA DAAN.
KAHIT PILIT SARILININ GALIT SA KAPALIGIRAN
KUSA ITONG UMALPAS AT IKA'Y BIGLANG INIWANAN.
NGAYONG KAPILING KO'Y IYONG MGA LARAWAN
HAYAAN MONG SA PANAGINIP IKA'Y MAHAGKAN.
DADAMHIN ANG PAG-IBIG NA MINSA'Y PINAGKAITAN
UPANG NAKARAA'Y MAGING KAKAMBAL NG
KASALUKUYAN.
KUNG SAKALING MAGKATAGPO ATING DARAANAN
ASAHAN MONG IKA'Y AKING NGINGITIAN
DAHIL MGA MAGULANG MO LAMANG ATING KALABAN
SA PAGMAMAHALANG LANGIT AT LUPA ANG
KASAYSAYAN.
MULING LINGUNIN ANG EDSA 1
Isa sa maituturing na pagkakalilanlan bilang tunay na ‘Filipino’ ay ang mapayapang kasaysayang naiambag natin sa buong mundo at ito ang bantog na Edsa 1. Datapwat tunay nga bang naglaho na ang ating ipinaglaban upang matanggal sa kinalalagyan ang dakilang diktador na pangulong Marcos?
Kung lagi lamang nagbabasa sa mga pahayagan mula sa ating bansa, marahil magiging bukas ang ating mga isipan sa mga kasalukuyang nangyayari sa ating bayan.
Ayon sa mga political analyst, wala pa rin daw na pagbabagong nangyayari nang matanggal ang nabanggit na diktador kahit sabihin pang labingwalong taon na ang nakakalipas magmula nang maganap ito. Dahil ang dating mga kasamahan ng nabanggit na pangulo ay muli na namang nakabalik sa puwesto kaya patuloy pa ring naghihikahos ang bansa.
Kung lilingunin ang hirap na pinagdaanan marahil nakakatiyak ang bawat isa ay magngingitngit sa pinaggagawa ng mga makasariling pinuno na ating iniluklok sa gobyerno. Tila ang espiritu na pinaghirapang itaguyod at ipinagtanggol ay ganap na nalulusaw.
Sa kasalukuyan dahil simula na ang pangangampanya ng mga pulitikong nais maluklok sa Malacanang maraming buhay na ang nalalagas at ayon sa survey dalawang pinuno ng iba’t ibang lalawigan ang binawian ng buhay at hindi pa rito kasali ang mga ordinaryong nilalang.
Muli nating pagtuunan ng pansin ang mga nagdaang halalan. Taong 1992 pampanguluhang eleksiyon napatay ang 49 na nilalang. Samantalang nitong nagdaang 1995 congressionnal and local election ay 76 ang nawalan ng buhay. 1998 presidential election 45 ang napatay at 2001 congressional and local election 98 ang nasawi.
Kung ating pagninilayan mayroon ba tayong kamaliang nagawa at patuloy pa ring di nagbabago ang sistema ng pamahalaan? Subukan kaya nating itanong sa ating sarili?
Nakakalungkot dahil sa paghahagilap natin ng tugon maraming sumagot na nilalang na wala tayong maling nagawa subalit ang mga inilukok nating pulitiko ang di tumutupad sa kanilang mga sinumpaaan nang sila’y nangangampanya.
Kapag pinag-uusapan ng mga banyaga ang Edsa 1 agad pumapasok sa kanilang isipan ang mga Pilipinong mamamayang nagbigay pag-asa sa buong daigdig na maari palang gamitan ng panalangin at rosaryo ang nakaantabay na kanyon at baril ng mga sundalo. Madaling mapapawi ang galit at inis kung laging iniisip natin ang kabutihan ng Sambayanan at Sangkatauhan .
Pilit itong ginagaya ng ibang bansa tulad ng Indonesia subalit kakaiba talaga ang sinimulan ng mga Pinoy, may sariling bakas at tatak na maiiwan.
Ngayon ay isang linggo nang nagsisimula ang pangangampanya ng mga pipiliing pangulo ng ating bansa. Kanya–kanyang tapunan ng dumi at baho upang matalo ang kanilang mga kalaban. Mga artista na kilala sa pinilakang tabing ay may mga sariling manok. Minsan dahil sa walang pelikulang ipapailabas abala naman ito sila sa pagpapabango ng kanilang mga napupusuan.
Dito sa Korea marami-rami rin ang nagparehistro sa absentee voting dahil karamihan sa ating kababayan ay ninanais nilang gamitin ang kanilang karapatan sa pagpili ng matinong lider.
Nawa maging gabay ang Edsa 1 upang makapamili ng wasto at matinong pinuno na gagabay sa nalulunod na ekonomiya ng ating bansa.
ANG TAO NGAYON
Bakit ang tao kapag sa inuman at diskohan walang humpay magluwal ng pera samantalang kung maglilimos sa mga pulubi at magbigay ng abuloy sa simbahan ay nag-aalinlangan?
Bakit ang tao napakabilis mag-imbento ng kuwentong nakakasira sa kapwa samantalang sa panahon ng pagpupuri sa Panginoon ay nahihiyang sumambit ng isang kataga kundi naman ay nahihirapang ipahayag at ikalat ang magandang balitang dala-dala ng Diyos?
Bakit ang tao sa panahon ng kasiyahan nakakalimutan ang Dakilang Ama samantalang kapag dumarating ang nakakalungkot na pagsubok agad nagugunita na may Panginoong naghihintay?
Bakit ang tao kapag may nangungutang na kababayan nito ay napakabilis magsabi kung ilang porsiyento samantalang di naman umuunlad sa ganitong uri ng panlalamang sa kapwa?
Bakit ang tao walang tigil sa pagtatapon ng dumi sa kapwa samantalang ang sariling putik ay di niya napapansin?
Bakit ang tao laging iniisip na napakabait ng Diyos kahit gumawa sila ng kasalanan ay batid nilang patatawarin sila samantalang di man lang inisip na kahit si Satanas na isang anghel nang magkasala ay kaagad itinapon sa Impyerno?
Bakit ang tao napakabilis magdesisyon sa panahon ng kagipitan subalit di man lang inisip na habambuhay nila itong pagsisisihan?
Bakit ang tao kapag naglilingkod sa simbahan kahit alam na niyang siya'y may kopol ay pilit pa ring sasabihin na "Diyos lamang ang maaring humusga" samantalang di naman maaring maglingkod sa dalawang amo?
Bakit ang tao kapag binabasahan mo na ng mga pamantayan sa simbahan ay agad sinasabi na ito ay ginawa lamang ng tao samantalang di iniisip na bago ito nilikha ay ibinatay sa kautusan ng Panginoon?
Bakit ang tao ang bilis pumasyal sa mga malalayong lugar subalit ang simbahan na ilang hakbang lamang ang layo ay di napupuntahan?
Bakit ang tao nang humingi ng tulong sa Diyos ay parang batang nagmamakaawa subalit ng tugunin naman ay di na naalalang lumingon?
Sa makabagong panahon kahit hindi natin itanong sa mga taong nakakaalam kung anong tugon sa mga pangungusap na ito marahil tayo na mismo ang magbigay ng haka-haka.
Hindi maikakaila na ang ating kasalukuyang sitwasyon ay palala ng palala, Nakaharap tayo sa isang pagsubok na batid natin ang wastong kasagutan ngunit patuloy pa rin tayong nagpapakaalipin dahil alam nating dito tayo masaya at ang bukas ay di pinagkakaabalahang tutukan.
Nakakalungkot mang pagnilayan datapwat ito ang katotohanan na maaring magdulot ng pagkasira ng ating mga sarili, pamilya o di naman ng buong mundo.
SA PANAHON NG KUWARESMA
Febrero 25 , 2004 araw ng pagbubukas ng pelikulang "The Passion Of Christ" sa Amerika na ayon sa mga nakasaksi ay "The movie rocks the Hollywood!!!" at ang pagdiriwang ng mapayapang Edsa 1 samantalang kaalinsabay nito ang panibagong hudyat ng ating nakaugaliang paghahanda na magtatagal ng 40 araw na marahil di kaila sa bawat isa kung anong mga bagay ang dapat nating pagnilayan sa Kuwaresma.
Pag-aayuno, Paglilimos at Pananalangin, ito ang tatlong mahahalagang bagay na nararapat nating pagbubulayan sa panahong nabanggit.
Pag-aayuno, sa bawat pagbukas ng bagong taon, tayong mga Kristiyanong nilikha ng Panginoon ay hinihiling na tupdin ang panawagang ito dahil ang mundo natin ay binabalot ng masasamang elemento at puno ng karahasan. Hindi lamang sa mga pagkain tayo maging conscious, kung maaari isama natin ang mga maling nakaugalian na sa kasalukuyang panahong ay dapat dahan-dahan sa bawat kilos at pananalita, sa pagpapakita naman na nakikiisa tayo ay mabuti sanang pagnilayan ang ginagawang mga kasalanan kahalintulad ng pangangalunya, paninira ng kapwa, inggit, pagiging hayok sa laman, pagsisinungaling, pagnanakaw ng di mo pag-aari at panlalamang sa kapwa.
Paglilimos, isang pinakamabuting paraan na maibibigay nating tulong sa mga nangangailangan nating kababayan. Marahil batid ng lahat ang suliraning kinahaharap ngayon ng Sambayanan at di kaila sa ating mga paningin at pandinig na napakaraming pasyenteng higit na umaasa sa ating mga pinansiyal na maiaabot at dahil dito ang sobra mong pera ay ialay sa mga taong kulang ang kakayahang makapagbayad sa hospital kundi naman magbigay ka sa mga taong walang pinagkukunan para pantawid gutom at pamatid uhaw. Huwag panghinayangan ang mga pinansiyal na naiaabot dahil nakakatiyak na ito'y babalik ng liglig siksik at umaapaw.
Pananalangin, ang pinakadakilang paraan na tanging magagawa sa paghahanda sa panahong ito. Kung igagala lamang ang ating mga mata marahil dahil sa araw-araw na laman ng pahayagan ang nakakapanlumong masasamang balita, siguro ito na ang tamang panahon upang igugol ang sarili sa taimtim na pagdarasal at pananalangin. Nawa ang makabagong mundo na sumasabay sa uso at moda ng computer world di mailigaw ang panananalig ng mga nilikha ng Diyos. Kung may oras tayo sa makamundong pagliliwaliw , bakit di maglaan ng sapat na oras para sa pagbibigay pugay at pakikipag-usap sa Dakilang Lumikha.
Ang tatlong kahilingang nabanggit ay mga susi upang ganap nating maunawaan na sa kabila ng kaguluhan at pagiging ugaling makamundo ay magagawa nating paghandaa't salubungin ng bukal sa loob ang panawagan sa panahon ng Kuwaresma.
Dapat rin nating isipin na kung may diet tayong ginagawa para maging maayos ang ating pangangatawan bakit di nating gawing Lenten diet ang mga sumusunod na pangungusap:
" Fast on anger, feast on patience", "Fast on anxiety, feast on hope" , Fast on bitterness, feast on forgiveness".
ANG BUKAS NA PINAGTATALUNAN
Sa mundong ating ginagalawan
Walang nakababatid kung anong kasasapitan
Di alam kung anong kahahantungan
Dahil di natin nakikita ang kinabukasan.
Subalit totoo bang hawak ang kapalaran?
Tayo lamang maaring magdesisiyon sa kapakanan
Kung tama ba ating tatahaking daan
Kahit sabihing sa huli na ang pagsisisihan.
Kabayan maari bang katukin iyong isipan?
Patuluyin mo naman sa puso't kaibuturan
Ang panawagan na dapat na pakaingatan
Dahil ilalayo ka nito sa kapahamakan.
Nawa ang buhay mong hawak ay pakaingatan
Kung maari lamang tukso at bisyo'y iwasan
Hindi ka patungo sa pagiging isang kabataan
Sa halip ang edad mo'y nadadagdagan.
Huwag sayangin ang kaloob ng Kaitaasan
Minsan lamang dumarating ang panawagan
Ngunit tayo pa rin magninilay sa wasto't kabutihan
Huwag balewalain kung tunay na pinaghahandaa.
GAWIN NATING TOTOO
Sabi nila ikaw daw nagpatibok ng puso ko
Ginulo nananahimik at makulay na mundo.
At kahit pilitin sabihing di ito totoo
Ako'y ayaw paniwalaan ng mga taong ito.
Minsan ang ginagawa mong biru-biro
Sa pandinig ng iba ay isang pagseseryoso.
Kung maari nga lamang gawing tunay na tayo
Marahil di na sila sa akin manloloko.
Kung batid lamang na tahimik kong buhay ay iyong nilito
Ginawa na ang lahat upang iwaglit sa pag-iisip nitong ulo
Subalit anong karisma mong taglay at nangyari ito
Sa dinami dami pa ng tao ako'y piniling pinintuho.
Mahal kung susubukang tatanungin ako
Huwag mag-atubiling bitawan katagang nakatago.
Kahit pagod at galing sa trabaho
Asahan mong pakikinggan sinisigaw ng puso